PINABULAANAN ni Atty. Vic Rodriguez sa isang panayam kamakailan ang pahayag na magsasara ang gobyerno sakaling panigan ng Korte Suprema ang petisyon nila laban sa 2025 national budget.
Ayon sa dating executive secretary ng Marcos administration, tuloy-tuloy ang operasyon ng gobyerno at maging ang sahod ng mga empleyado ng estado gamit ang reenacted budget paboran man ng SC ang kanilang petisyon.
“Ang matitigil lamang ay ‘yung political spending na nilalaman nitong 2025 budget. Doon sila takot. Mabibinbin ang kanilang ayuda, ang kanilang AKAP, yung kanilang AICS, yung kanilang pork barrel projects, pork barrel funds. Dun sila natatakot pag ito ay na-TRO.. pag pinatigil ng Korte Suprema,” ayon pa kay Rodriguez.
Nauna na rin nitong binanatan si Marikina City Rep. Estella Quimbo na nagsabing mere clerical ang kinukwestyon nilang blangko sa isinumiteng bicameral report hinggil sa 2025 budget.
“Huwag tayo namang masyadong gawing bobo nung kongresista na nagsasalita na ito ay typographical or mere clerical or printing error,” aniya.
Ani House appropriations committee acting chairperson Quimbo. may omnibus motion na nagbibigay ng otorisasyon sa Bicameral conference committee secretariat na itama ang mga pagkakamali sa General Appropriations Bill (GAB).
“I agree there is a omnibus motion….pero hindi naman istupido ang Pilipino para hindi maunawaan kung ano ang nilalaman ng omnibus motion,” ani Rodriguez dahil nakasaad sa omnibus motion na tanging “correction of typographical, grammatical at printing errors” ang trabaho ng secretariat.
Wala aniyang sinasabi sa nasabing mosyon na lagyan ng halaga ang proyekto at programa ng gobyerno na iniwang blangko sa Bicameral conference committee report ng 2025 national budget na nagkakahalaga ng P6.325 trillion.
Dahil sa ginawa aniyang ito ng Kongreso, inabandona ng mga ito ang kanilang sagradong tungkulin na bantayan ang pera ng sambayanang Pilipino.
“Kaya nga tayo nagsasabi, this is immoral, this is unconstitutional at ito ay nangyari I think, sa kauna-unahang pagkakataon. Talagang with impunity na ang pambubudol sa ating mga Pilipino that’s why we decided to bring the matter to Supreme Court being the last bastion where rights will be settled and controversies maybe heard,” paliwanag ni Rodriguez.
Matatandaang nagsampa na ito kasama si Davao City Rep. Isidro Ungab at 6 na iba pa, ng petisyon sa Korte Suprema para ipatigil ang 2025 general appropriations act (GAA).
1