Kaya tuloy pambabarako ng China PINAS IPINAGKANULO NG JMSU NI ARROYO

NAGING agresibo ang China sa West Philippine Sea (WPS) matapos matuklasan ng mga ito ang nakaimbak na langis dahil sa Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) na ipinasok ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa nasabing bansa.

Ito ang isiniwalat ni dating Congressman Neri Colmenares. Aniya, ito ang dahilan kaya patuloy ang pangha-harass ng Chinese Coast Guard sa Philippine Coast Guard (PCG), hindi lamang sa Ayungin shoal kundi sa lahat ng reefs na nasa loob ng teritoryo ng Pilipinas.

“The aggressiveness of China in the WPS only resulted when they pinpointed the location of oil and natural gas when the Philippine government allowed the joint exploration with China in 2005,” pahayag ni Colmenares, chairman ng Bayan Muna.

Sa ilalim ng JMSU, nagkaroon ng joint exploration ang dalawang bansa upang alamin kung saang mga lugar sa WPS nakaimbak ang langis subalit matapos ang 18 taon ay idineklara ito ng Korte Suprema bilang ‘unconstitutional’.

“Sarili pa nating gobyerno ang nagkanulo sa atin. After the JMSU, China was able to ascertain the location of our rich marine resources and natural gas, which may have contributed to their increased assertiveness in the area,” ani Colmenares.

Kamakailan ay tuluyang pinagtibay ng Korte Suprema ang kanilang desisyon na ‘unconstitutional’ ang JMSU kaya hindi na magkakaroon ng joint exploration ang dalawang bansa sa WPS.

Gayunpaman, hindi pa rin umano iniiwan ng China ang WPS partikular na sa Recto Bank na sinasabing may malaking deposito ng langis at patuloy ang ginagawang pangha-harass ng mga ito sa PCG dahil posibleng hindi lang sa nasabing reef mayroong deposito na hindi nila ipinabatid sa Pilipinas.

Pinakahuling nakaranas ng harassment ang PCG noong Hunyo 30 nang magsagawa ng ‘dangerous maneuver’ ang Chinese Coast Guard na naglagay sa panganib sa mga coast guard na magdadala ng supply sa Navy na naka-istasyon sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

“The aggressive maneuvers and swarming actually happened before, when China reclaimed at least 7 of our reefs such as the Panganiban (Mischief), Zamora (Subi), Mabini (Johnson South), Gavin (Gaven), Calderon (Cuarteron), Hughes (Kennan), Malvar (Eldad) and Kagitingan (Fiery Cross) Reefs, that are clearly within our exclusive economic zone and subject to our territorial rights but hardly anything has been done to address this,” ayon pa sa dating mambabatas.

Dahil dito, nagbabala si Colmenares na kapag hindi tumigil ang China sa paglalagay sa panganib sa PCG ay posibleng magresulta ito sa armed conflict lalo na kung tuluyang magbungguan ang kanilang mga barko. (BERNARD TAGUINOD)

208

Related posts

Leave a Comment