KIDNAPPING NG MGA CHINESE

SIDEBAR

Sa paglaki ng bilang ng Chinese nationals na nagpupunta sa Pilipinas para maglaro sa mga casino, dumarami rin ang bilang ng mga Chinese na nababaon sa utang sa mga tinatawag na loan sharks sa mga casino.

At kapag hindi makabayad ang mga naturang Chinese, sila ay dinudukot at dinedetine ng kanilang mga kababayan mula sa Peoples Republic of China (PRC) para ipatubos sa kanilang mga pamilya at kamag-anak kapalit ng kanilang kalayaan.

Base sa datos ng Anti-Kidnapping Group ng Philippine National Police, mula 2017 hanggang sa kasalukuyan ay umaabot na sa 57 ang kaso ng “debt-related abductions” na sa ilang pagkakataon ay nauuwi sa pagpatay sa biktima kapag hindi makabayad ang kanilang pamilya.

Kaya nga ganoon na lang ang pagkabahala ng Chinese Embassy dito sa bansa dahil sa dumara­ming bilang ng kanilang mga nasyunal na nagiging biktima ng kidnap-for-ransom at ang masaklap nito, mga kapwa Chinese din nila ang may gawa.

Isang naging salik sa pagdami ng mga bilang ng Chinese casino players ang “visa upon arrival program” ng pamahalaan kung saan madaling nakakuha ng visa ang casino players pada­ting sa Ninoy Aquino International Airport.

Bahagi ng modus ope­randi ng mga kidnapper ang pag-engganyo sa mga kababayang Chinese na magsugal. Bibigyan sila ng libreng hotel accommodations at pauutangin ng perang pang-casino kapalit ng pagpirma sa promissory note at pag-surrender ng kanilang passport.

Kapag nanalo ang casino player, may komisyon ang moneylender ng mula 20 hanggang 30 por­syento. Kapag natalo naman ang player at hindi makabayad sa inutang na pera, siya ay ididetine, bubugbugin at ivi-video ang pag-torture sa kanya at ipapadala ang video sa kanilang pamilya sa China para maghagilap ng perang pantubos sa kidnap victim.

Wire transfer ang kadalasang pamamaraan ng pagpapadala ng pera kapalit ng kalayaan ng kidnap victim.Kamatayan naman ang naghihintay sa mga biktima na walang ransom money na makakarating sa sindikato.

Malakas ang loob ng Chinese casino loan sharks na mag-kidnap ng kanilang mga kababayan dahil mayroon silang inuupahang mga dating pulis at militar na siyang nagsasagawa ng aktwal na kidnapping.

Kabilang sa mga lokal na kasabwat ng mga Chinese loan sharks ang mga dating matataas na opis­yal ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines dahil alam nila ang pasikut-sikot pati kung papaano lulusutan ang kanilang mga dating kabaro.

May mga naaresto na ring ilang miyembro ng Chinese kidnap-for-ransom group pero malaking bilang pa rin ng mga Chinese ang patuloy na nakakapag-ope­rate dahil na rin sa tulong ng ex-policemen at ex-military men.

Bagama’t walang mga Filipinong biktima ang Chinese kidnappers, nagiging law enforcement problem rin ito dahil nga may biktimang Chinese at may mga Pilipinong nasa likod ng iligal na gawain.

At mismong Chinese Embassy na rin ang hu­mingi ng tulong sa PNP at National Bureau of Investigation para matigil ang pagdukot at pagpatay sa Chinese nationals na hindi nakakabayad sa kanilang pagkakautang para makapaglaro sa casino. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

172

Related posts

Leave a Comment