TINIYAK ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na ang bicameral conference committee–approved na P6.793-trilyong pambansang badyet para sa 2026 ay may matitibay at naipatutupad na pananggalang laban sa katiwalian, patronage spending at mga “ghost project.”
Ayon kay Pangilinan, tuluyan nang sinara ang mga patagong “alok-able” na usapan na nagbubunga ng overpricing at pekeng proyekto.
“Sa kauna-unahang pagkakataon, livestreamed ang buong proseso—mula subcommittee at committee hearings, approvals ng House at Senado, hanggang bicam,” ani Pangilinan.
Nagpasalamat din ang senador sa mga civil society groups, kabilang ang People’s Budget Coalition, sa aktibong pakikilahok sa pagbabalangkas ng mga patakarang magpapatibay sa proseso ng pagba-budget.
“Bukod sa pagpapanagot sa mga nangurakot noon, naglagay tayo ng mga safeguard para hindi na ito maulit,” dagdag niya.
Sa ilalim ng inaprubahang 2026 budget, inaatasan ang mga proyektong pang-imprastraktura sa agrikultura—kabilang ang farm-to-market roads ng Department of Agriculture at mga proyekto ng National Irrigation Administration—na magsumite ng pormal na annexes na may eksaktong lokasyon, geotagged coordinates, detalyadong engineering designs at beripikadong cost estimates.
Iniuutos din ang paglalathala ng mga timeline, kontratista at paglalabas ng pondo sa mga pampublikong online dashboard upang maiwasan ang mga “paper project” na mahirap beripikahin sa aktuwal na lugar.
Pinalalakas din ng 2026 budget ang Citizen Participatory Audits (CPA) sa mga ahensya, GOCCs at LGUs, katuwang ang Commission on Audit. Binubuksan nito ang audit planning at project validation sa mga akreditadong civil society groups, at inaatasang maisama sa mga ulat ng COA sa Kongreso ang mga natuklasan ng komunidad.
Marcos: Malinis, Makatao ang Budget
Samantala, tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na masusing rerepasuhin at lalagdaan ang P6.793-trilyong panukalang 2026 national budget bago matapos ang taon.
Ayon sa Malacañang, hindi magbabakasyon ang mga opisyal ng Ehekutibo upang matiyak na mabusisi ang pag-aaral sa enrolled bill.
“Noong una ay inaasahan ng Pangulo na mas maaga ang pagsa-submit ng enrolled bill. Ngayon, pipilitin ng Pangulo na ito ay maaral mabuti at mapirmahan bago magtapos ang taon,” pahayag ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Binigyang-diin ni Castro na handa ang Pangulo na gumamit ng veto power kung may probisyong hindi tugma sa prayoridad ng administrasyon.
Dagdag pa niya, magsasagawa ng hiwalay na pagsusuri ang Ehekutibo upang higit pang mapangalagaan ang integridad ng pambansang badyet, kasabay ng patuloy na pagsusulong ng transparency sa pamamagitan ng Transparency Portal ng administrasyong Marcos.
Inaasahang aaprubahan ng bicameral conference committee ang 2026 pambansang badyet sa Disyembre 28 at raratipikahan ng House of Representatives at Senado sa Disyembre 29 bago isumite sa Malacañang.
(DANG SAMSON-GARCIA/CHRISTIAN DALE)
103 