Komosyon sa Angono muling sumiklab MGA NEGOSYANTE HUMIRIT NG DAYALOGO SA ALKALDE

RIZAL — Muling sumiklab ang tensyon sa pagitan ng mga empleyado ng ilang business establishment at mga tauhan ng umano’y may-ari ng lupa sa loob ng Hillsdale Summit Subdivision, Barangay San Isidro, Angono, nitong Sabado ng gabi, Oktubre 18, 2025.

Nagsimula ang sigalot matapos ihain ni Sheriff Ronaldo Olorcisimo ng RTC Binangonan ang Writ of Execution noong Oktubre 13, 2025, kaugnay ng desisyong pabor sa Park Developers, Inc. laban sa grupong pinamumunuan ni Romy Calinisan. Kaagad na naglatag ng barikada ang kumpanya sa nasabing lugar.

Dakong ala-1 ng hapon, nagkagirian nang harangin ng mga guwardiya at ilang nakamaskarang lalaki mula umano sa Park Developers ang mga tenant, empleyado, at customer sa pagpasok sa business area ng subdivision. Agad na nag-viral sa social media ang insidente.

Batay sa ulat ni PLt. Col. Ariel Azurin, hepe ng Angono Police, walang nasaktan sa naturang komosyon. Gayunman, umalma ang mga may-ari ng mga establisimyento, kabilang ang Tagpuan Lakeview Coffee at 14 pang negosyo, dahil hindi umano sakop ng writ ang lugar na kinaroroonan nila.

Sa dokumentong inilabas ng sheriff noong Oktubre 13, nakasaad mismo na:

“Tagpuan Restaurant (at lahat ng nasa ibaba) is not part of the disputed land as stated in the dispositive part of the order.”

Ayon sa mga empleyado, malinaw na hindi sila dapat mapasama sa usapin sa lupa.

“Nakikiusap kami na payagan kaming maghanapbuhay. Wala kaming kinalaman sa sigalot na ‘yan,” pahayag ni Jane, isang staff ng Tagpuan.

Ayon sa nakalap na impormasyon ng Saksi Ngayon, nabenta sa auction ng Rizal provincial government noong 2022 ang lupang kinatatayuan ng Tagpuan Restaurant. Bayad na rin umano ang lahat ng buwis at kaukulang dokumento para sa mga lote na may sukat na 170 sqm, 120sqm, at 156 sqm.

“Malinis ang papeles namin. Hindi namin alam kung bakit kami nadadamay,” ayon sa may-ari ng Tagpuan na tumangging magpakilala.

Sa ngayon, hinihingi ng grupo ng mga negosyante ang diyalogo kay Mayor Gerry Calderon upang maresolba ang gusot sa legal na paraan. Mahigit 300 manggagawa umano ang apektado ng tensyon.

“Nakakapanghinayang lang. Unti-unti nang nakikilala ang overlooking area ng Angono dahil sa mga nag-usbungan na business establishment, ngunit dahil lang sa kakulangan ng koordinasyon at maayos na diyalogo ay magiging ghost town ang dating masiglang business area na ito,” saad pa ng isang customer mula sa Makati na nakasaksi sa nasabing tensyon.

(NEP CASTILLO)

10

Related posts

Leave a Comment