MATAPOS ang SMNI Presidential at Senatorial debate ay naging instant celebrity sa social media sina Leody De Guzman at ang labor lawyer na si Atty. Luke Espiritu makaraan ang mainitang pagtatalo sa debate ng mga kapwa kandidato nina Bongbong Marcos kay De Guzman at mainitang pakikipagtalo ni Espiritu kina Atty. Harry Roque at Larry Gadon.
Naging paksa ng kanilang debate ang pagbubukas ng kasaysayan kaugnay sa human rights victims noong panahon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos kung saan walang katapusang isinisisi sa mga Marcos ang 3,257 na nasawi noong panahon ng martial law na siya namang sinagot ni Gadon na hindi ba’t ang ilan sa mga ito ay kagagawan ng rebeldeng NPA, maging ang pambobomba noong August 21, 1971 sa political rally ng Liberal party sa Plaza Miranda sa Quiapo, Manila na ikinasawi ng 9 at ikinasugat ng 95 ay kagagawan ng komunistang grupo upang pabagsakin ang gobyerno.
Agad naman na sinagot ni Roque ang banat ni Espiritu na walang kaso sa korte at hindi dapat isisi kay Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang naging kasalanan ng kanyang ama na siya namang para sa akin ay malaking mali dahil ang pagdedeklara noon ni Marcos Sr. ng batas militar ay upang protektahan ang sambayanan sa ginagawang panggugulo ng mga komunista. Nauna nang sinabi noon ni BBM sa kanyang interview kay Jessica Soho noong March 3, 2011 na hindi dapat isisi sa kanyang ama ang nangyaring pang-aabuso noong martial law dahil hindi naman iniutos na saktan ang mga sibilyan kundi protektahan lamang ang bansa laban sa komunista.
Dapat nga bang isama si Espiritu ng mga botante sa kanilang listahan sa pagka-senador sa darating na Mayo 9 o dapat munang suriin ang kanyang pagkatao kung ito ba talaga ay makabayan o posibleng nasa likod ng makakaliwang grupo?
Mula nang lumabas ang komunista ay wala nang ginawa ang mga ito kundi pabagsakin ang gobyerno. Taong 1969 ng isulong ni Joma Sison ang Communist Party of the Philippines hanggang sa nagtagpo ang kanilang landas ni Bernabe Buscayno kaya’t nabuo ang CPP-NPA.
Nagkaroon ng tagong pahina at itinago sa kasaysayan mula nang panahon ng mga Aquino na nakipagsabwatan noon si Ninoy Aquino sa kaliwang grupo at maraming naitalang impormasyon na pinagkutaan ng NPA ang Hacienda Luisita upang planuhin ang gagawing pagpapabagsak kay Marcos ngunit hindi na ito nangyari makaraang ipaaresto ni Marcos ang mga lider ng NPA kasama sina Joma at 500 miyembro nito na nakulong mula 1972 hanggang 1985 na kinasuhan ng rebelyon at sedisyon, kasama si Ninoy Aquino sa mga nakasuhan dahil sa pakikipagsabwatan sa rebeldeng grupo.
Ang maling impormasyon patungkol sa Martial Law ay pilit na itinago ng mga biased professor na itinuro naman sa political appointees na siyang nagsulat ng maling kasaysayan ng bansa, ngunit ang madugong nangyari sa mga magsasaka sa Mendiola Massacre noong January 22,1987 na ikinasawi ng 13 at ikinasugat ng 51; ang Hacienda Luisita massacre noong November 16, 2004 na ikinamatay ng 7 magsasaka at ikinasugat ng 121, maging ang anim na beses na pagrerebelde ng mga sundalo noong panahon ni Cory na maraming nasawing mga sundalo sibilyan at photo journalist na tinamaan at napaghinalaan ng sniper ay naging collateral damage, na hanggang sa kasalukuyan ay pilit na itinago at hindi isinulat sa kasaysayan.
(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
