KONGRESISTA NANGGALAITI SA GALIT SA SBMA ‘KOTONGAN’ MEETING

IMBESTIGAHAN NATIN Ni JOEL O. AMONGO
GALIT na galit itong Zambales 1st District Rep. Jefferson “Jay” Khonghun habang pinagtuturo ang isa sa mga kasama sa meeting na ginanap sa Subic Bay Metropolitan Authority, kaugnay sa usapin ng “kotongan” sa SBMA Seaport Department kamakailan.
Ito ay base sa natanggap na impormasyon ng Imbestigahan Natin, hinggil sa meeting sa Boardroom ng Administrator Building ng SBMA, kasama ang nasa 100 brokers, processors, at sina SBMA chairman and Administrator Tan at Zambales 1st District Rep. Khonghun para sa isang dayalogo kaugnay sa anomalya ng kotongan sa SBMA Seaport Department sa nakaraang mga linggo.
Walang nagawa kundi manood na lamang at natameme si Tan habang pinagagalitan at pinagtuturo ni Rep. Khonghun ang isa sa mga kasama sa meeting.
Si Rep. Khonghun ay dumalo sa meeting matapos na magtungo sa kanyang opisina sa Kamara ang ilang Freeport brokers na nagreklamo na may nangyayaring malakihang pangingikil ng pera sa SBMA Seaport Department.
Diumano ang isinasangkot sa pangingikil ay sina Martinez at Reyes na napaulat na tumatanggap ng “kotong” money mula sa brokers at processors.
Noong nakaraang Biyernes ay agad ipinag-utos ni Tan ang suspensyon kina Martinez at Reyes.
Kinilala ng brokers at processors ang dalawa na sangkot sa anila’y “massive kotong system” at tumatanggap ng pera bago i-release ang kanilang shipments.
Ito ay sa kabila na kumpleto naman ang kanilang dokumento. Sinabi anila sa kanila na ang ang pera ay mapupunta sa mas mataas na opisina (Seaport).
Ayon pa sa isang broker, sinabi rin sa kanila na kailangang may basbas mula sa itaas ang kanilang gate pass bago i-release ng kanilang shipments.
Sinabi naman ni Tan, simula noong Setyembre 29 ay pinag-leave of absence na niya si Reyes.
Si Martinez naman ay isasailalim pa sa due process dahil nasa plantilla position ito.
Pero teka, mayroon tayong natanggap na impormasyon, isang nagngangalang Ryan Uy raw ang binigyan umano ng awtorisasyon ni SBMA Chairman Tan na gamitin sina Reyes at Martinez para manghingi ng pera sa truck importers at tra­ders?
Kailangang ipaliwanag ni Chairman Tan kung totoo bang binigyan niya ng awtorisasyon si Uy para gamitin sina Martinez at Reyes para sa pagkakaperahan.
Mr. President BBM, kailangang magsagawa kayo ng sariling imbestigasyon kaugnay sa sinasabing kotongan sa SBMA dahil baka magising na lang kayo na gamit na gamit na ang inyong pangalan sa opisinang ito.
Sinikap nating makuha ang panig nina Chairman Tan, Martinez at Reyes hinggil dito subalit hindi natin sila makontak.
oOo
Para sa sumbong at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
651

Related posts

Leave a Comment