MISTULANG umabot na sa bakuran ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga galamay ng pamilya Discaya, matapos mabunyag na ang bagong proyekto ng ahensya sa Quezon City ay nasakop umano ng isa sa kanilang mga kumpanya.
Batay sa ulat, ang proyekto ay pinamagatang “Disenyo at Pagtatayo ng LTFRB Central Office”, na kinabibilangan ng pagpapalit ng bubong, paglalagay ng waterproofing system, at pagtatayo ng bagong harapan ng gusali.
Ang kontrata ay nagkakahalaga ng P49.6 milyon, at ang kumpanyang Alpha at Omega General Contractor and Development ang nanalo sa bidding. Ang nasabing kumpanya ay isa sa mga iniuugnay sa pamilya Discaya, na kasalukuyang iniimbestigahan dahil sa umano’y bilyun-bilyong pisong anomalya sa mga flood control projects.
Tulad ng ibang proyekto na sangkot sa iregularidad, nakipag-joint venture din umano ang Alpha at Omega sa Primecraft Construction Service.
Bagama’t karaniwan ang joint venture sa mga kontrata ng gobyerno, binigyang-diin ng mga mambabatas sa mga pagdinig sa Kamara at Senado na ginagamit ito bilang modus ng katiwalian upang mapaboran ang ilang kontratista.
Nakatakda sanang magsimula ang proyekto noong Disyembre 2024 at matatapos ng Agosto 9, 2025, ngunit nahinto ito kasunod ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa mga umano’y maanomalyang flood control projects kung saan kabilang sa mga iniimbestigahan ang mga Discaya.
(PAOLO SANTOS)
