KONTRABANDO SA NCJ, BULILYASO

BULILYASO ang tangkang pagpupuslit ng alak, chongke at sigarilyo ng dalawang maskarado sa Navotas City Jail (NCJ) matapos na may magnguso sa pamununan ng nasabing pasilidad hinggil dito.

Ayon kay Navotas City Jail Warden Chief Insp. Ricky Heart Pegalan, isang araw bago ang tangkang pagpapalusot ng mga ipinagbabawal na bagay sa nasabing piitan ay nakatanggap sila ng tip ukol dito kaya’t inutusan ni Pegalan si Assistant Warden Sr. Insp. Henry Laus na magsagawa ng regular na inspeksyon sa labas ng perimeter wall ng extension facility dakong gabi.

Alas-9:50 ng gabi, habang nagsasagawa sina Sr. Insp. Laus at JO1 Roy Dumam-ag ng inpeksyon, namataan nila ang dalawang lalaking nakasuot ng face mask na itim at kahina-hinala ang kilos sa labas ng perimeter wall.

Tinangkang lapitan nina Laus, Dumam-ag, JO3 Roger Aquino, JO2 Donald Usacdin at JO1 Edmund Keone David ang dalawang lalaki ngunit kumaripas ng takbo ang mga ito at naiwan ang isang malaking plastic bag na tinangka nilang itago sa ilalim ng isang nakaparadang sasakyan.

Nang suriin ng jail officers ang mga laman ng bag ay nadiskubre nila ang 10 piraso ng 230 ml plastic bottles na may lamang alak, anim na sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana at 12 ream ng sari-saring sigarilyo.

Ayon kay Pegalan, inutusan na niya ang kanyang mga tauhan na maglagay ng steel matting at chicken wire sa mga siwang sa buong ventilation system ng extension facility dahil dito pinalulusot ang mga kontrabando. (ALAIN AJERO)

 

144

Related posts

Leave a Comment