KONTRAPELO ANG FDA-DOH

HINDI ko alam kung gusto ba talaga ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) na makawala na sa pandemya ang sambayanang Filipino o hindi dahil parang kontrabida sila sa lahat ng mga ginagawa ng mamamayan para makaiwas at magamot ang sarili laban sa COVID-19.

Maraming Filipino ang ­gumagawa ng sariling paraan para maproteksyunan ang kanilang sarili sa COVID-19 pero lahat ng kanilang ginagawa ay hindi pinapaboran ng FDA at DOH.

Sa pagdinig sa Kamara noong nakaraang linggo, pinuna ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang DOH at FDA dahil maging ang “Steam inhalation” ay hindi nila inirerekomenda na gawin ng mga tao dahil wala raw sapat na ebidensya na nakakagaling ito sa mga COVID-19 patients.

Lahat ng mga tao ngayon ay nag-isteam pag uwi sa bahay dahil may mga pag-aaral sa ibang bansa na epektibo ito para mapatay ang virus na nagsimula sa Wuhan, China at kumalat sa mundo dahil itinago nila ang katotohanan.

Pero nakapagtataka bakit ayaw itong irekomenda ng DOH at FDA. Ano ang dahilan ng ating mga health officials gayung ang mga eksperto sa ibang bansa ay pinapaboran ito ng husto.

Yung pagmumog ng antiseptic bilang prevention ay ayaw rin nilang ipagawa sa mga tao dahil wala pa raw sapat na ebidensya. Baka pati yung pagmumog ng maligamgam na tubig na may asin, siguradong aayawan din nila.

Hindi rin inirerekomenda ng DOH at FDA ang pag-inom ng mga vitamins na ginagawa ng mga tao para lumakas ang kanilang immune system na kailangang kailangan ng katawan na panlaban sa virus.

Ayaw nilang uminom ng Vitamin D ang mga tao, ayaw nilang uminom ng Vitamin C ang mga tao, ayaw nila ng Zinc eh sinasabi ng mga mas magagaling na duktor sa iba’t ibang panig ng mundo na epektibo ang mga ito para magkaroon ng malakas na immune system.

Kahit ang sariling atin na Virgin Coconut Oil ay ayaw ipagamit ng DOH-FDA sa mga COVID-19 patients dahil wala raw ebidensya na epektibo ito.

Ang Ivermectin na marami nang pag-aaral ang ginawa sa ibang bansa ay ayaw rin nilang bigyan ng tsansa? Dahil ba ­masyadong mura at kayang bilhin ng mga ordinaryong mamamayan.

Bakit hindi muna pag-aralan kung epektibo o hindi ang mga gamot at paraan na ginagawa ng mga tao para maproteksyunan ang kanilang sarili at matigil na ang hawaan sa virus na ito bago nila sabihin na walang sapat na ebidensya?

Ang tanging pinaboran nila ay ang Remdesivir at Tocilizumad na napakamahal at hindi kaya ng mga ordinaryong mamamayan. Hindi ko alam kung bakit, pero hindi mo maiwasang pagdudahan sila ng mga tao.

Lalong nakakaduda dahil ayon kay Cong Mike D, hindi rin inerekomenda ng World Health Organization (WHO) ang paggamit ng remdesivir pero ipinapagamit pa rin ng DOH at FDA sa mga Filipino.

Bakit mas gusto ng mga health officials natin na pagastusin ang mga tao imbes na ­maghanap ng paraan para tulungan ang mga tao na hindi gumastos ng napalaki kapag sila ay nagkakasakit?

Maraming pamilya na ang naghirap dahil sa remdesivir na wala ring kasiguraduhan kung nakakagamot ba talaga ito at ­dagdag stress ito sa mga ­pasyente dahil hindi nila alam kung saan sila kukuha ng pera. Umayos nga kayo!

153

Related posts

Leave a Comment