PATULOY ang pakikipag-ugnayan ng national government sa Metro Manila Development Authority (MMDA) at Metro Manila mayors para sa posibilidad na maibaba na sa modified general community quarantine (MGCQ) ang quarantine classification sa National Capital Region (NCR).
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni DoH Usec. Maria Rosario Vergeire, na mayroon na silang hawak na talaan para mapagbasehan kung dapat na bang mag-shift ang NCR sa MGCQ mula sa GCQ.
Iyon nga lamang, ani Usec. Vergeire ay hindi pa kumpleto ang kanilang hawak na datos dahil hindi pa aniya nakapagsusumite ang ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila.
Pagdating naman aniya sa surveillance at contact tracing system, medyo kulang pa ang cities and lone municipalities sa NCR.
Ito aniya ang dahilan kung bakit patuloy ang pakikipagkoordinasyon ng pamahalaan sa Metro Manila mayors para matulungan ang mga ito na maging handa na sakaling luwagan sa MGCQ ang buong Kamaynilaan. (CHRISTIAN DALE)
