PAMPANGA – Arestado sa mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) noong Miyerkoles ang isang Korean na wanted sa kanyang bansa dahil sa pag-o-operate ng online prostitution advertising site.
Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang nadakip na si Seo Jungnam, 41, sa operasyon sa Amor Riverside Anunas, Angeles City, Pampanga ng mga operatiba ng BI’s Fugitive Search Unit (BI FSU).
Isinagawa ang operasyon sa tulong ng Korean authorities matapos makatanggap ng impormasyon na si Seo ay pugante sa kanilang bansa at may Interpol Seoul Notice na inisyu noong Disyembre.
Ayon kay BI FSU Chief Bobby Raquepo, si Seo na nanatili sa Pilipinas simula noong 2015, ay suspek sa sexual exploitation at prostitution case sa Korea dahi sa umano’y paglalagay ng prostitution advertisements online.
Ang dayuhan ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Uijeongbu District Court sa Korea noong 2018.
Si Seo, kasama ng iba pa niyang kasabwat, ay kumita umano ng tinatayang 32-M Korean Won o P1.3 milyon sa pagpapatakbo ng online prostitution site, sa ilalim ng pangangalaga ng Playboy.
“We received information from our Korean counterparts that Seo’s passport is also undergoing revocation, making him an undocumented alien,” ani Raquepo.
Ang suspek ay ipipresenta sa BI’s Legal Division para sa inquest proceedings at nakatakdang i-turn over sa BI’s Warden Facility sa Taguig kasunod ng COVID-19 testing. (JOEL O. AMONGO)
213
