KOREAN GAMBLING LORD, ARESTADO SA BI

ISANG South Korean national na wanted sa kanilang bansa ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) fugitive search unit (FSU) dahil sa illegal gambling.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang dayuhan na si Choi Jonguk, 42, ay naaresto sa isang sikat na entertainment area sa Brgy. Tambo, Paranaque City.

Si Choi ay nasa wanted list ng BI noon pang 2019 dahil sa pagpapatakbo ng isang illegal gambling website na ang mga customer ay mga Koreano na tumataya sa resulta ng isang sports competitions.

Sinasabing kumikita siya sa pamamagitan ng pagbebenta ng ticket on line na isang paglabag sa National Sports Promotion Act sa kanilang bansa.

Iniulat din ng BI ang pagkakaaresto sa isa pang South Korean national na wanted ng mga awtoridad sa kanilang bansa dahil sa illegal drugs trading.

Kinilala ni Viado ang pugante na si Seo Jungchul, 37, inaresto sa Clark Freeport Zone sa Angeles City, Pampanga ng mga ahente ng BI FSU.

Nasa listahan din siya ng Interpol red notice at matagal nang overstaying sa Pilipinas, upang makatakas sa pag-aresto at prosekusyon sa kanyang mga kaso sa Korea.

Isang warrant para sa pag-aresto sa kanya ang inisyu ng Seoul Central District Court noong 2017 matapos siyang idawit dahil sa paglabag sa Narcotics Control Act.

Ayon sa mga awtoridad ng South Korea, si Seo ay sangkot sa purchase, consumption at trading ng Philopon, isang bahagi ng methamphetamine, isang drug substance sa Korea.

Sina Choi at Seo ay maituturing ng undocumented aliens matapos kanselahin ng kanilang gobyerno ang kanilang pasaporte. (JOCELYN DOMENDEN)

122

Related posts

Leave a Comment