BINITBIT ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national na lider umano ng isang ‘phishing syndicate’ na nakabase sa China, sa ikinasang operasyon sa Makati City.
Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang naaresto na si Kim Changhan, 25-anyos. Nadakip ang suspek noong Huwebes sa Makati City sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng Seoul Central District Court noong Oktubre 2020.
Ayon sa impormasyon mula sa Interpol-National Central Bureau, lider ng isang ‘telecom fraud syndicate’ si Kim Changhan na nakabase sa Sandong-sung, China at gumagamit ng ‘voice phishing’ para makapanloko ng internet users.
Umabot umano sa 63 milyong won o halos US$53 milyon na ang natangay ng grupo sa kanilang mga biktima.
Nadakip din ng BI Fugitive and Search Unit ang isa pang South Korean na si Kim Junhee, 38, sa isang operasyon noong Biyernes sa Porac, Pampanga. Nahaharap naman ito sa arrest warrant mula sa Seoul Nambu District na inisyu noong Hulyo 2019.
Sangkot din si Kim Junhee sa isang sindikato na nakabase naman sa Tianjin, China at tumangay ng higit 110 milyong won o US$91 milyon sa kanilang mga biktima.
Isa namang Chinese national na si Zhang Yujie, 51, ang naaresto rin noong Biyernes sa Mandaluyong City. Nahaharap naman ang babaeng si Zhang sa kasong ‘economic crimes’ sa China.
Nakakulong ang tatlo sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City habang hinihintay ang kanilang deportasyon. (RENE CRISOSTOMO)
