Korean na magbebenta sana ng mamahaling kotse KINIDNAP SA MAKATI, NAILIGTAS SA BATANGAS

NASAGIP ng mga awtoridad sa Batangas ang isang Korean national na dinukot ng armadong kalalakihan sa isang spa sa Makati City noon pang January 15.

Kinilala ang biktima na si Taehwa Kim, 40-anyos, isang Bitcoin trader at residente ng Lincoln Tower, sa Makati City.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang pagkidnap dito noong Enero 15 nang makipagkita si Kim sa isang alias “JC” para sa bentahan ng kanyang kotseng Lamborghini Urus.

Matapos ang test drive, nagtungo sila sa LaSema Jim Spa sa Makati para umano makipag-usap sa abogado ng buyer.

Ngunit pagdating doon, tatlong armadong kalalakihan ang naghihintay at sapilitang isinakay si Kim sa ibang sasakyan, itinali ang kanyang mga kamay at piniringan.

Pwersahan ding kinuha ng mga suspek ang kanyang Rolex watch, BDO ATM card, pati na ang susi ng kanyang condo at sasakyan.

Batay sa salaysay ni Kim, narinig niyang dadalhin umano siya sa Antipolo City pero makalipas ang tatlong araw, dinala siya sa Diokno Highway, Barangay Mayasang, Lemery, Batangas.

Nakita siyang naglalakad ng mga residente dakong ala-1:30 ng madaling araw at dinala sa mga barangay official na nakipag-coordinate sa pulisya.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga salarin, kabilang si alias “JC,” na pinaghihinalaang kasabwat sa krimen.

Pinaigting din ang operasyon para mabawi ang nawawalang sasakyan at iba pang gamit ng biktima. (NILOU DEL CARMEN)

4

Related posts

Leave a Comment