KORTE SUPREMA O KORTE NG PAMPUBLIKONG OPINYON?

MY POINT OF BREW Ni Jera Sison

SA wakas naglabas na ng desisyon ang Korte Suprema kaugnay sa kasong isinampa laban sa pag-apruba ng ERC sa pautay-utay na dagdag singil para sa power rates sa December 2013 bill. Pinaboran ang desisyon ng ERC dito pagkatapos ng walong taon.

***

Bagamat pinapayagan sa ilalim ng umiiral na alituntunin at batas ang awtomatikong pagpasa ng generation charge sa mga konsyumer, Meralco na mismo ang nagmungkahi na huwag kolektahin nang isang bagsakan ang generation charge na nagkakahalaga ng P22.64 bilyon para hindi maging sobrang bigat sa mga customer nito.

***

Makabubuti nga iyan sa mga konsyumer kung kaya inaprubahan ng ERC ang mungkahing ito at binigyang diin na ng regulator na sasailalim pa sa kompirmasyon at matinding pagsusuri ang karagdagang generation charge alinsunod sa panuntunan ng Automatic Generation Rate Adjustment (AGRA) para masiguro na tama ang singil na ito.

***

Nakita rin ng Korte Suprema ang adhikain ng ERC na protektahan ang kapakanan ng konsyumer at pinasinungalingan ang akusasyon ng mga makakaliwang grupo na inabuso ng regulator ang kapangyarihan nito.

***

Kinilala ng Korte ang sistemang umiiral sa industriya ng kuryente at ito ay sumang-ayon sa mga naging hakbang ng regulator noong 2013 na alinsunod naman sa mga batas at panuntunan na ipinatutupad sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act of 2001 o EPIRA.

***

Kung hihimayin ang pangyayari, sumipa ang presyo sa WESM dahil sumailalim sa maintenance ang Malampaya facility na siyang pinagkukunan ng natural gas ng malalaking planta ng kuryente na nagsusuplay sa Luzon. Lumala pa ang sitwasyon ng nagkasabay-sabay ang hindi inaasahang pag-shutdown ng iba pang mga planta.

***

Sa kasamaang palad, sa halip na ikatuwa at ipagpasalamat na sa wakas ay nagkaroon na ng resolusyon ang nasabing kaso, maraming mga makakaliwang grupo gaya ng Bayan Muna, NASECORE, Gabriela, at iba pa ang umaalma rito at sinasabing hindi maka-konsyumer ang nasabing desisyon.

***

Napakadali para sa mga grupong ito na magbato ng alegasyon laban sa mga generator ng kuryente. Nagkaroon umano ng sabwatan sa pagitan ng mga operator ng planta. Nagkaroon daw ng kasunduan ang mga ito na sabay-sabay ihinto ang operasyon upang sadyain ang pagsipa ng presyo ng kuryente sa WESM. Hindi ba’t mas nalulugi ang mga generator kapag pumapalya o hindi tumatakbo ang kanilang mga planta?

***

Kung mayroong sabwatang naganap sa pagitan ng mga generator ng kuryente, hayaan natin ang ERC na gawin ang kanilang trabaho at idaan ang isyu sa tamang proseso. Tigilan na ang kultura ng paggamit sa opinyon at sentimyento ng publiko para isulong ang pansariling mga interes. Kailangang matutuhang tanggapin ng mga makakaliwang grupo ang desisyon ng Korte Suprema. Para saan pa ang mga batas at prosesong umiiral kung hindi ito kikilalanin at susundin.

***

Sa huli, interes nating mga konsyumer ang magwawagi. Tayo ang makikinabang sa mga mabuting epekto ng pagkakaroon ng sapat na suplay ng kuryente sa Pilipinas. Respetuhin ang desisyon ng Korte Suprema at huwag idaan ng mga militanteng grupo sa korte ng pampublikong opinyon. Nanggugulo lang kayo!

155

Related posts

Leave a Comment