CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MARAMING Pilipino ang nadidismaya tuwing may bagong kaso ng katiwalian. Milyon-milyong piso ang nawawala, at tila paulit-ulit na lamang ang kuwento. Kaya’t hindi nakapagtataka kung marami ang nagsasabing sayang lang ang buwis—na mas mabuting bawasan na lang ito kung ninanakaw din naman. Ngunit kung susuriin nang mas malalim, hindi ang buwis ang dapat sisihin, kundi ang mga taong mapagsamantala sa loob ng sistema.
Kahit mawala pa ang mga tiwaling opisyal, mananatiling totoo na kulang pa rin ang pondo ng gobyerno upang matugunan ang lahat ng pangangailangan ng bansa. Hindi madaling magkaroon ng sapat na pondo para sa lahat. Kailangan laging mamili kung ano ang uunahin—classroom o ospital, pasweldo o tulay, transportasyon o pambansang depensa. Hindi ito simpleng usapin ng pangungolekta, kundi ng tamang pagtatakda ng prayoridad.
Ang buwis ang bumubuhay sa mga serbisyong inaasahan ng taumbayan. Kapag binawasan ito, babagsak din ang kakayahan ng gobyerno na magbigay ng tulong, magpatayo ng imprastraktura, at magpanatili ng seguridad. Kaya imbes na ibunton ang galit sa buwis, dapat natin itong ipagtanggol—dahil ito ang kasangkapan ng isang gumaganang lipunan.
Hindi rin makatarungang sisihin sina Finance Secretary Ralph Recto at ang Department of Finance sa pagpapatupad ng mga patakarang may kinalaman sa pangungolekta ng buwis. Trabaho nila na tiyaking sapat ang kita ng pamahalaan at maayos ang paggamit ng pera ng bayan. Ang tunay na kalaban ay katiwalian, hindi ang koleksyon ng buwis. Kung magiging masinop at tapat ang paggamit ng pondo, mararamdaman ng mamamayan ang balik ng bawat pisong kanyang ibinabayad.
Sa huli, ang problema ay hindi kung magkano ang nakokolekta, kundi kung saan ito napupunta. Kaya dapat tayong maging mapanuri. Hindi sapat na magreklamo sa taas ng buwis—kailangang bantayan din natin kung paano ito ginagastos. Kung hangad nating umunlad bilang bansa, dapat malinaw kung sino ang tunay na kalaban. Hindi ang mga nagbabayad, hindi rin ang mga nangungolekta, kundi ang mga nagnanakaw sa pondo ng bayan.
29
