DPA ni BERNARD TAGUINOD
“KOSA” na ang tawagan ng mga congressman na nasasangkot sa anomalya sa flood control projects at mga congressman na nagnenegosyo sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kapag sila ay nagkikita sa session hall.
Nagtatawanan ang mga congressman kapag nagtatawagan daw sila ng “kosa” na tawagan ng mga bilanggo pero pinaganda kaya tinatawag ngayon bilang Person Deprived of Liberty as in PDL, at nakikitawa naman sa kanila ang iba na medyo malinis pa.
Sana nga lang magdilang anghel ang mga congressman na nagtatawagan ng “kosa’ sa isa’t isa dahil panahon na para panagutin ang mga ito dahil sila ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay nakatali ang sambayanang Pilipino sa tanikala ng kahirapan.
Sandamakmak ang bilang ng mga congressman at ex-congressman na nangongontrata sa gobyerno sa pamamagitan ng kanilang construction companies na kanilang itinayo bago naging miyembro ng Kamara.
Niloloko lang tayo kapag sinasabi nilang nag-divert na sila sa mga kumpanyang ito mula nang maging congressman sila, pero kung titingnan mo ang mga pumalit sa kanila ay kanilang mga mahal sa buhay as in kung hindi anak ay asawa.
Dahil din sa kanilang posisyon, nagkakaroon ng malakihang proyekto ang kumpanya na inilipat lang nila sa kanilang anak o asawa, kaya pinagloloko lang tayo kapag sinabi nila na wala na silang interest sa construction company ng kanilang mahal sa buhay.
Tulad ng Sunwest Construction Inc. ni dating Congressman Zaldy Co na dumami ang transaksyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) mula noong 2022 nang maging chairman ito ng House Committee on Appropriations.
May isa ring congressman sa Norte na sinasabi sa kanyang mga constituent na wala na siyang interest sa kanyang itinatag na construction company pero kapag panahon ng kampanya ay nakalagay sa kanyang mga tarpaulin ang pangalan ng kumpanya.
Hindi naman lingid sa atin na marami ring congressman ang walang kumpanya pero inaakusahang humingi ng SOP sa kanilang proyekto at iniimbestigahan na ngayon, kaya kapag napatunayan ang alegasyon sa kanila, magiging kakosa rin sila ng mga CongTractor.
Ang problema lang ay mukhang maliit ang pagkukulungan sa mga sangkot sa flood control projects kapag nakulong ang mga magkaka-kosang congressmen kaya dapat magtayo pa ng ibang kulungan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Mukhang sa mga opisyales pa lamang ng DPWH ay masikip na ang kulungang inilaan ng Quezon City Jail sa Payatas kaya dapat itong dagdagan para sa mga magkaka-kosang congressmen dahil napakarami nila, sa totoo lang.
Dapat ding bawiin sa mga congressman na ito ang kanilang SOP sa mga proyekto nila sa kanilang distrito tulad ng pagbawi sa mga ninakaw ng DPWH officials, kasama ang mga kontratista.
97
