NALAGAY sa alanganin ang kredibilidad ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) dahil sa expose ni resigned Congressman Zaldy Co kaya kinakailangan nang magkaroon ng legislated Independent Commission na mag-iimbestiga sa napakalawak na katiwalian sa gobyerno.
Iginiit ito kahapon ni Kamanggagawa party-list Rep. Eli San Fernando kasunod ng isiniwalat ni Co na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang nagpasingit ng P100 billion sa 2025 national budget at idineliber umano nito sa Malacanang at sa bahay ni dating House Speaker Martin Romualdez sa North at South Forbes Park, Makati ang 25% na komisyon o katumbas ng P25 Billion.
Ayon kay San Fernando, bagama’t may immunity ang Pangulo sa kaso habang siya ay nakaupo, kailangang maimbestigahan at ang tanging makakagawa nito ay komisyon na itatatag sa pamamagitan ng lehislatura hindi tulad ng ICI na si Marcos ang bumuo sa pamamagitan ng Executive Order (EO) 94.
Dahil dito, iginiit ng mambabatas na dapat nang ipasa ang Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC) na papalit sa ICI upang matiyak na kahit ang Pangulo ay maaaring isailalim sa imbestigasyon- isang bagay na “malabo” umanong gawin ng komisyong appointees ng Malacañang.
Para masigurong hindi makokontrol ng Pangulo o sinumang gropo ang magiging miyembro ng ICAIC, iminungkahi ni San Fernando na taumbayan mismo ang bumoto sa mga uupo sa komisyon kung kinakailangan.
Sa kabila nito, sinabi ni San Fernando na dapat umuwi si Co para panumpaan ang kanyang mga alegasyon.
Ganito rin ang hamon ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima kay Co na hindi rin naniniwala na wala siyang natanggap na kickback sa mga maanomalyang infrastructure projects.
“Kung talagang handa siyang ilabas ang lahat, kailangan niyang makiisa sa mga imbestigasyon, at sumagot sa mga tanong. Dahil kahit makailang part pa umabot ang videos niya, hindi magagamit sa korte ang kanyang mga salaysay at ipinapakitang mga ebidensya kung hindi niya panunumpaan sa tamang forum,” ani De Lima.
Sinang-ayunan din ito ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña. Hangga’t nagtatago aniya si Co sa ibang bansa at hindi maglalabas ng aktuwal na ebidensya ay naniniwala ang publiko na ginagawa lamang ito ng dating mambabatas para maghugas-kamay.
Nagamit ng Power-seekers?
Tugon naman ng Palasyo, posibleng nagamit si Zaldy Co ng power-seekers para pabagsakin si Pangulong Bongbong Marcos.
“Nagamit, nagpagamit si Co. Itiniming ito para mawala ang Pangulo,” ayon kay PCO Undersecretary Claire Castro, na sinabi ring vulnerable ngayon ang dating mambabatas at madaling kumapit sa mga pangakong “ligtas-puwesto.”
Posible umanong may nangako ng proteksyon kay Co kapalit ng pag-upo nila sa poder.
Giit ng Palasyo, dapat maglabas si Co ng solidong ebidensiya sa kanyang akusasyong P100-B budget insertions at 25% komisyon umano para kay Marcos at dating Speaker Martin Romualdez.
Dagdag ni Castro, maraming “inconsistencies” sa timeline at pahayag ni Co at wala umanong direktang komunikasyon ang Pangulo sa kanya.
(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
109
