TINAWAGAN ng pansin ng mga residente ng Tondo, Manila si Police Brigadier General Andre Perez Dizon hinggil sa mga krimen na nangyayari sa mga lugar na sakop ng Manila Police District – Station 1.
Ayon sa mga nagrereklamo na tumangging magpabanggit ng pangalan, uso na naman ang nakawan, patayan at holdapan sa naturang lugar.
Kamakailan, sunod-sunod umano ang krimen sa Tondo area kabilang ang tatlong insidente ng pamamaril sa permanent housing, Brgy. 128 at sa 105 sa Aroma Compound, Tondo.
May nangyari ring pamamaril sa Mel Lopez Boulevard na kilala sa tawag na Road 10 kung saan dalawang lalaki ang naging biktima. Bukod pa ang nakawan, holdapan at snatching.
Puna ng mga residente, tila nagkukulang sa police visibility ang pulisya sa nasabing lugar.
Bunga nito, nananawagan din sila sa bagong station commander na ipagpatuloy ang sipag na ipinamalas ni Police Lieutenant Colonel Rosalino Ibay Jr., noong ito ang namumuno sa nasabing istasyon.
Dapat din anilang tularan nito ang kanilang director na si “The Game Changer General” Dizon na panay ang ikot sa lungsod ng Maynila.
Sa umaga ay makikitang nagbibisikleta ang heneral habang sa gabi ay naka-motorsiklo itong nag-iikot sa lungsod. (RENE CRISOSTOMO)
