UMAPELA ang pamahalaan sa mga motorista na huwag nang hintayin pa ang “last minute” para makakuha ng radio frequency identification (RFID) stickers at maipakabit sa kanilang sasakyan.
Bahagi ito ng paghahanda para sa cashless scheme sa major toll roads simula sa Disyembre.
Sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque na iniurong ng Department of Transportation (DOTr) ang pagsisimula ng cashless toll collection mula sa dating Nobyembre 2 at ginawang Disyembre 1 para payagan ang mga motorista na makapag-comply sa mga requirement.
Sa halip na manual cash transactions, ang RFID system ay naglalayong payagan ang electronic payment sa mga tolls sa oras na dumaan na ang sasakyan sa pamamagitan ng toll plaza.
Maaaring i-load o i-tap ng motorista ang kanyang RFID account sa toll booths at iba pang online payment facilities.
“Paalala ko sa ating mga kababayan, iwasan natin iyong nakasanayan na kung kailan ilang araw na lang bago ang deadline ay saka tayo dudumog sa mga installation sites ,” ayon kay Sec. Roque.
“Habang maaga pa po ay magpakabit na tayo ng RFID upang maiwasan ang last minute na transaction,” dagdag na pahayag nito.
Tiniyak ni Sec. Roque na hindi na maaantala ng pamahalaan ang implementasyon ng cashless mode of payment sa expressways.
“Huling hirit na po ang extension na ito. Simula December 1 ay mahigpit na pong ipatutupad ang full cashless transactions sa ating mga toll roads,” ang pahayag ni Sec. Roque.
Sa ulat, pinalawig ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) ng hanggang Disyembre ang full implementation ng cashless toll collections sa toll roads sa bansa bilang tugon sa panawagan ng mga motorista, na hanggang ngayon ay wala pa ring RFID stickers sa kanilang sasakyan.
Ayon sa DOTr, ang naturang ekstensyon ay nangangahulugan na ang Department Order 2020-012 na nagmamandato ng cashless mode of payment o 100% paggamit ng electronic payment systems sa expresways, ay magsisimulang ipatupad sa Disyembre 1, mula sa dating schedule na Nobyembre 2.
“So huwag po kayong mag-panic. Binigyan po tayo nang mas mahabang panahon para magpakabit ng RFID. Ito ay upang bigyan ng konsiderasyon ang mga kababayan natin na hindi pa rin nakakapag-install ng RFID sa kanilang mga sasakyan,” ayon kay Sec. Roque.
Ayon naman kay Toll Regulatory Board (TRB) Executive Director Abraham Sales, pinayagan ni DOTr Secretary Arthur Tugade ang ekstensiyon upang mabigyan ng mas mahabang pagkakataon ang mga motorista, para makapagpakabit ng RFID, at tumalima sa department order.
Una nang ipinag-utos ng DOTr ang implementasyon ng cashless transaction sa toll roads upang maiwasan ang hawahan sa COVID-19, gayundin ang traffic congestion sa mga toll plaza.
Ang mga motorista na mabibigong sumunod sa mandato ay huhulihin at iisyuhan ng citation ticket. (CHRISTIAN DALE)
