KULONG AT P10-M MULTA SA PALPAK NA GOVERNMENT PROJECTS

KULONG at P10 milyong multa ang naghihintay sa mga contractor na magtatayo ng sablay at substandard na proyekto ng gobyerno.

Ito ang laman ng House Bill No. 2811 o “Criminalizing Negligent Contractors Act” na inihain ni Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.

Sa ilalim ng panukala, ang sinomang contractor, subcontractor, corporate officer, government employee o juridical entity na mapatutunayang nagpabaya at nagresulta sa mababang kalidad ng proyekto ay maaaring makulong ng anim hanggang 12 taon at pagmultahin ng P10 milyon.

May kasama pa itong perpetual disqualification sa anomang government procurement o project.

“Any contractor… who, through gross negligence, causes the quality of work on a government project to fall below standards… shall be held criminally liable,” ayon sa panukala.

Saklaw ng “gross negligence” ang paglihis sa kontrata, paggamit ng substandard materials, at pagkompromiso sa structural integrity o public safety.

Giit ni Marcos, investment ng pamahalaan ang infrastructure projects kaya dapat lamang na matiyak ang kalidad at pananagutan.

(TINA MENDOZA)

4

Related posts

Leave a Comment