KUMPANYA NG MGA VILLAR SINISI SA KAWALAN NG TUBIG SA IBA’T IBANG LUGAR

BINATIKOS ng mga konsyumer mula sa iba’t ibang panig ng bansa si Las Piñas Representative at kandidatong senador Camille Villar dahil sa umano’y palpak na serbisyo ng PrimeWater, ang water utility company na pagmamay-ari ng kanyang pamilya.

Ayon sa mga nagrereklamo, dapat munang tugunan ni Villar ang mga problema sa PrimeWater—gaya ng kakulangan sa suplay ng tubig, madalas na pagkaantala ng serbisyo, at mahinang tugon sa mga reklamo—bago mangakong pagagandahin ang buhay ng mga Pilipino.

“Eto namang si Camille Villar: Aayusin daw ang buhay ng mga Pilipino. Teh, ayusin mo muna PrimeWater. Kaloka,” ayon sa isang post ni Nash Nacion sa X, na tumutukoy sa plataporma ni Villar.

Nauwi ito sa kabi-kabilang reklamo mula sa mga customer ng PrimeWater sa Tarlac, Camarines Norte, Cavite, Laguna, at Bulacan, na umalma sa kabiguan ng kumpanyang bigyan sila ng maayos at malinis na suplay ng tubig.

“Hanggang kelan magbubulag-bulagan ang karamihan sa totoong nangyayari dito sa SJDM? Pinapaasa lang tayo sa wala. Dati naniniwala pa ko na ginagawan ng solusyon ang problema sa PrimeWater, pero ngayon, lalo na’t kapartido pa nila si Camille Villar, mukhang imposible na. Bago namin siya iboto, baka sakaling may mabago,” ayon sa isang galit na residente mula San Jose del Monte, Bulacan.

“Umamin kayo PrimeWater Silang, kaya ba ayaw n’yong aksyunan ang matinong pagpapatubig kasi gagamitin ni Camille Villar ang pondo para sa pangangampanya?! Asa kayo na makakakuha ng boto yang si Camille Villar sa mga customers n’yo! To all PrimeWater customers: NO TO CAMILLE VILLAR tayo ha!” dagdag pa ng isa pang consumer mula Cavite.

Ilan sa mga residente ang nagsabing mas maayos pa ang serbisyo ng kanilang mga water district bago ito inako ng PrimeWater. May ilang lugar na ilang linggo nang walang tubig ngunit wala man lang paliwanag o aksyon mula sa kumpanya.

“Paki aksyunan niyo naman po ang problema sa tubig dito sa Tarlac. Antagal po umaksyon ng TCWD PrimeWater Tarlac City. Pahirap tapos wala man lang kahit anong solusyon. Mahigit isang linggo na kaming walang tubig sa San Vicente Ramos Street,” hinaing ng isang residente.

Sa ngayon, pinag-aaralan na ng mga lokal na pamahalaan ng Bacolod City at San Pedro, Laguna ang posibilidad na tapusin ang kanilang joint venture agreement sa PrimeWater dahil sa kabiguang matugunan ang kanilang mga pangangailangan sa tubig.

Inaasahan din na susuriin ng iba pang local government units ang kanilang kasunduan sa PrimeWater matapos bumagsak ang net income ng kanilang mga water district mula nang ilipat sa kumpanya ng mga Villar ang operasyon.

26

Related posts

Leave a Comment