MAHIGIT 4.6 milyong Pilipino ang matutulungan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin kapag ginamit sa ayuda ang P9.3 bilyong confidential and intelligence funds (CIF).
Kaya naman pinakokonsidera ni House assistant minority leader France Castro sa mga kinatawan ng Senado at Kamara sa Bicameral Conference Committee sa 2023 national budget na i-realign ang nasabing pondo.
“If all the P9.3B would be realigned to ayuda and P10,000 is to be per poor family then at least 930,000 families or 4,650,000 poor Filipinos would benefit from it,” ani Castro.
Halos kalahati sa nasabing pondo ay nasa tanggapan ng Pangulo na ayon sa mga eksperto ay kailangan upang maproteksyunan ang panloob at panlabas na seguridad ng bansa.
Subalit ayon kay Castro, kahit kalahati lang ng CIF ang gamitin sa ayuda ay 465,000 pamilya na may katumbas na 2,325,000 indibidwal ang mabibigyan ng tig-P10,000 na makatutulong para maibsan ang epekto ng inflation rate sa kanila.
“Sa halip na mapunta pa sa mga proyekto o gawain na di naman pinapakita sa publiko na paano nila ginastos ang bilyon-bilyong pondong galing sa taumbayan ay gawin na lang ayuda ang CIF,” ani Castro.
“Pati mga ahensyang wala namang kinalaman sa intelligence gathering o surveillance ay binigyan nito,” dagdag pa ni Castro na bagamat walang tinukoy ay mistulang pasaring ito sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na nasa ilalim ni Vice President Sara Duterte.
Sa ngayon ay P152 million pa lamang sa P9.5 bilyong CIF ang ni-realign ng Senado.
Noong Biyernes ay sinimulan na ng mga kinatawan ng Senado at Kamara ang pulong para pagtugmain at pag-isahin ang magkaibang bersyon ng dalawang kapulungan sa pambansang pondo. (BERNARD TAGUINOD)
436
