ITO ANG TOTOO Ni VIC V. VIZCOCHO, JR.
MARAMI ang natuwa sa pagtatanggol ni Jerbem Balajadia at iba pang Pinoy sa turistang kapwa Pinoy na teenager mula Cebu na inatake ng isang “African-American” dahil lang sa pagiging “Asian” nito sa Manhattan, New York, U.S.A. kamakailan.
Ito Ang Totoo: Ayon sa mga saksi, ginawa ng “African-American” ang pag-atake habang nagsasalita ito ng masasamang bagay laban sa “Asians,” patunay na ang insidente ay “racial discrimination” at “hate crime”.
Natiyempong naroon si Balajadia at mga kasama nito kaya nahabol ang “African-American” at nai-turn-over sa rumespondeng mga tauhan ng New York Police.
Ayon sa Konsulado ng Pilipinas sa New York, mahigit 40 na insidenteng katulad ang naganap doon sa nakalipas na taon at nag-isyu ito ng ”advisory” sa mga Pinoy na nakatira at mga bumibisita sa New York na maging “vigilant” o mapagbantay kapag nasa mga lansangan at subways.
Ito Ang Totoo: Kung nagrereklamo ang mga “African-American” sa anila’y diskriminasyon sa kanila ng mga puting Amerikano kaya may “Black Lives Matter Movement” pa sila, palaisipan na may “Asian-Hate” crimes naman na mismong mga “African-American” ang may gawa.
Biktima hindi lamang mga Pinoy kundi pati mga Intsik, Koreano, Vietnamese at iba pa, basta Asyano.
Pero gaya ng ginawa nina Balajadia, hindi dapat maging parang maamong tupa na lang ang mga “Asian,” may karapatan ang tao, ano mang lahi ang pinagmulan na ipagtanggol ang sarili.
Ito Ang Totoo: Ano man ang lahi, puti, itim, brown, dilaw at iba pa, pare-parehong dumudugo kapag nasugatan, pare-pareho lang maaaring masaktan, malumpo o mamatay kapag napuruhan.
Kaya sa ganang atin ay tama ang ginawa nina Balajadia; lumaban, at nang maramdaman at malaman ng mga ilusyunado na hindi sila angat batay lang sa lahi o kulay ng balat.
Mahirap arukin kung bakit may mga itim na biktima rin ng diskriminasyon, ay gumagawa ng ayaw nilang sa kanila’y ginagawa, pero magandang senyales naman na ang mga kinauukulan, partikular ang New York Police Dept. (NYPD) ay mabilis rumesponde at umalalay sa mga Pinoy na nagtanggol sa kapwa.
Gayunman, diin natin sa mga kababayan, at dating kababayan na ngayo’y mga Amerikano na, proteksyonan at ipagtanggol ang sarili, at baka sakali, magdalawang-isip ang mga tila walang-isip, sa pananakit ng kapwa na wala namang ginagawang masama kundi nagkataon lang na iba ang lahing pinagmulan. Ito Ang Totoo!
196 