BINALAAN ng transportation authority ang mga kumpanya na nasa ride-hailing service market na huwag magpataw ng sobrang pamasahe matapos silang makatanggap ng report ng overcharging laban sa isang player.
Sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nakatanggap sila ng reklamo laban sa Joyride Ecommerce Technologies Corp. dahil naningil ito ng ₱1,000 para sa one-way ride sa tinatawag na “priority boarding fee.”
Sinabi ng ahensya na nagpadala na sila ng sulat noong Mayo 24 sa Joyride upang hingan ito ng paliwanag kung bakit hindi dapat masuspinde at ma-revoke ang kanilang accreditation bilang transport network company (TNC).
Itinanggi naman ni Joyride Senior Vice President for Corporate Affairs Noli Eala ang overcharging report.
“For clarity, a Priority Fee is an optional fee that customers can freely add to the total fare of the booking. It is an industry used term and practice in case a customer would like to tip or incentivize a driver-partner in advance,” ayon kay Eala sa isang kalatas.
Sinabi pa nito na nagsumite na sila ng paglilinaw sa transport regulator, iginiit na ito’y “compliant with the fare structure set by the LTFRB guidelines.”
Sinabi pa ni Eala na labis nilang ikinagulat ang naging pahayag ng LTFRB sa media lalo pa’t hindi nakatanggap ang kanilang kumpanya ng anomang desisyon o findings mula sa ahensiya.
Pagtiyak naman ni LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion na hindi nila sini-single out ang JoyRide.
“The agency saw it fit to already write all TNCs warning them against the imposition of excessive fare contrary to current guidelines on TNVS (transport network vehicles) fares,” ayon sa LTFRB.
Idinagdag pa nito na gumawa lamang ang LTFRB ng warning letters sa E-pick Me Up, Ipara, JoyRide, My Taxi PH (Grab), at Cloud Panda.
Sinabi ng ahensiya na ang pamasahe para sa TNVS ay dapat na :
– ₱40.00 flag down rate para sa sedan-type TNVS, na may ₱15.00 fare per kilometer at ₱2.00 per minute travel fare
– ₱50.00 flagdown rate para sa premium AUV/SUV na may ₱18.00 per kilometer fare at ₱2.00 per minute travel fare
– ₱30.00 flagdown rate para sa Hatchback o Subcompact type na may ₱13 per kilometer fare rate at ₱2.00 per minute travel fare.
At upang matiyak na sumusunod ang TNCs at TNVS, sinabi ng LTFRB na magde-deploy sila ng “mystery riders on the next few days”.
“Any TNC and/or TNVS caught violating the terms and conditions of the MC shall be subject to fines and penalties,” ang pahayag nito.
(CHRISTIAN DALE)
