INILABAS ng HKPH Public Opinion and Research Center, kasama ang Hong Kong-based Asia Research Center, ang pinakabagong resulta ng kanilang independent at non-commissioned survey ukol sa mayoral race sa Maynila.
Habang papalapit ang 2025 elections, umiinit ang labanan sa pUlitika ng lungsod, na pinangungunahan ng tatlong pangunahing kandidato: dating Mayor Isko Moreno, kasalukuyang Mayor Honey Lacuna, at Congressman Sam Versoza.
Ang resulta ng survey ay nagpapakita ng masiglang kompetisyon para sa pamumuno sa kabisera ng bansa.
Nangunguna si dating Mayor Isko Moreno na may 46% voter preference, na nagpapakita ng kanyang patuloy na kasikatan kahit matapos ang kontrobersyal niyang pagtakbo sa pagkapangulo noong 2022. Ang kanyang karismatikong personalidad at mga populistang estratehiya ay patuloy na kinagigiliwan ng malaking bahagi ng mga botante.
Gayunpaman, hindi nawawala ang mga pagdududa tungkol sa kanyang biglaang pag-alis sa lokal na pulitika at ang mga kritisismo ukol sa mga hindi natapos na proyekto noong kanyang panunungkulan.
Sumusunod naman si Mayor Honey Lacuna na may 31% ng suporta mula sa mga botante. Matapos niyang maitalaga bilang alkalde mula sa pagiging bise alkalde, tutok si Lacuna sa paglutas ng mga suliraning panglungsod at pagpapanatili ng kaayusan. Ang kanyang masinsinang pamumuno at dedikasyon sa pagpapatuloy ng mga programa ay nakapagbigay sa kanya ng tiwala mula sa maraming botante. Sa patuloy na paglakas ng kanyang kampanya, tiwala ang kanyang kampo na maaari pang humabol sa resulta.
Samantala, si Congressman Sam Versoza, baguhan sa pulitika ng Maynila, ay nakakuha ng 15% voter preference. Kilala siya sa makabago niyang kampanya at malakas na koneksyon sa mga kabataang botante. Inilalagay niya ang sarili bilang alternatibo sa mga tradisyunal na kandidato. Gayunpaman, ang kanyang pagiging “outsider” ay nagdudulot ng tanong sa kanyang karanasan sa lokal na pulitika, na maaaring makahadlang sa pagkuha ng suporta mula sa mga undecided na botante.
Ayon sa survey, 8% ng mga respondent ang nananatiling undecided, na nagbibigay-diin sa pagiging hindi tiyak ng resulta ng eleksyon.
Ayon kay Steven Su, program director ng HKPH-ARC, mahalaga ang papel ng mga undecided voters. “Wala pang kandidato ang nakakuha ng mayorya, kaya’t napakahalaga ng desisyon ng mga undecided voters sa magiging resulta,” ani Su.
Dagdag pa nito, ipinapakita ng survey ang mga prayoridad ng mga botante.
“Ang labanang ito ay nagsisilbing pagpipilian para sa mga Manileño: populism, continuity, and change. Si dating Mayor Isko Moreno ay sumisimbolo ng populistang pamumuno, na naaayon sa mga botanteng naghahanap ng aktibo at resulta-oriented na liderato. Si Mayor Honey Lacuna naman ay nagpapakita ng katatagan at pagpapatuloy, na umaakit sa mga botanteng mas gusto ang tuluy-tuloy na progreso. Habang si Congressman Versoza ay kumakatawan sa panawagan para sa pagbabago, na kinagigiliwan ng kabataan at mga botanteng naghahanap ng sariwang ideya,” paliwanag ni Su.
“Ang labanang ito ay tunay na kapana-panabik at dapat subaybayan habang papalapit ang eleksyon.”
Ang survey ay isinagawa sa 1,800 rehistradong botante mula sa anim na distrito ng Maynila, gamit ang randomized sampling method, at may margin of error na ±2%.
Nagbibigay ito ng malinaw na larawan ng damdamin ng mga botante habang papalapit ang mahalagang electoral milestone ng lungsod. Sa patuloy na pagbabago ng mga opinyon at mahalagang papel ng undecided voters, nananatiling bukas ang laban para sa pagka-mayor ng Maynila, na tiyak na magiging masalimuot habang papalapit ang araw ng halalan.
10