POSIBLENG mapilitan si Senate President Pro Tempore Panfilo ‘Ping’ Lacson na muling magsilbi bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee nauna na niyang binitiwan.
Ito, ayon kay Senate President Vicente Tito Sotto III ay dahil ang kagustuhan ng mayorya ng mga senador ay si Lacson pa rin ang magsilbing chairman ng Blue Ribbon Committee.
“Dapat magmimiting muna kami. May posibilidad na makumbinsi muna namin uli si Sen Lacson,” pahayag ni Sotto.
Sa ngayon, ayon kay Sotto ay 50-50 ang chances na makumbinsi nila si Lacson para sa committee chairmanship.
Kasabay nito, kinumpirma ni Sotto na bukod sa farm to market roads, dapat maisama rin sa iimbestigahan ng komite ang mga natenggang Super Health Centers.
Iginiit ni Sotto na dapat matukoy sino ang nagmadaling magpatayo ng daan-daang super health centers subalit hindi naman pala kakayanin ng mga lokal na pamahalaan na buhayin ang operasyon.
Sa isyu sa flood control projects, inihayag ni Sotto na naging malinaw na ang imbestigasyon at posibleng maglabas na sila ng initial committee report na isusumite sa Independent Commission for Infrastructure, sa Department of Justice at sa Ombudsman.
Subalit tiniyak niyang magpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng komite.
(DANG SAMSON-GARCIA)
