LAGI NA LANG!

PUNA ni JOEL O. AMONGO

TUWING papasok ang bermonths ay hindi na makapagpahinga ang mga Pilipino sa tama ng mga kalamidad. Bukod sa bagyong Crising ay sinabayan pa ito ng hanging Habagat na nagdala ng malalakas na pag-ulan kaya binaha ang malaking bahagi ng bansa.

Ayon sa weather bureau ng bansa na PAGASA, maaaring hanggang ngayong araw pa ng Huwebes mararanasan ang mga pag-ulan na may kasamang mga pagbaha na magdudulot ng perwisyo sa mga tao.

Kabilang sa mga apektado ay ang mga magsasaka na nawasak ang mga pananim at inanod ng mga pagbaha dahil sa patuloy na pag-ulan sa mga lugar na dinaanan ng masamang panahon.

Hindi naman makapagpalaot ang mga mangingisda dahil malakas ang ulan sa karagatan, kaya hayun kaunti lang ang mga isda sa mga palengke kaya mataas ang presyo nito ngayon.

Dahil sa kaliwa’t kanang pagbaha sa Metro Manila, at iba pang mga lugar sa bansa ay hindi na makapasok sa trabaho ang mga empleyado. Walang pasok, kaya walang sweldo. Paano na ang pamilyang Pilipino?

Kabilang sa mga lugar na walang pasok ay ang Pangasinan, Zambales, Tarlac, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, Rizal, Occidental Mindoro, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Quezon, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Masbate, Sorsogon, Albay, Camarines Sur, Catanduanes, Palawan, Antique, Aklan, Capiz, Iloilo, Guimaras, Abra, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Laguna at Negros Occidental. Ito ay makaraang irekomenda ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Base sa Memorandum Circular No. 90 na inilabas noong Martes, Hulyo 22, tinukoy ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang mga ahensya na responsable sa ‘basic, vital and health services’, paghahanda at mga tungkulin sa pagtugon na dapat magpatuloy at manatiling operational upang matiyak na nagpapatuloy ang mahahalagang gawain ng gobyerno sa kabila ng nasabing deklarasyon ng work suspension.

“Non-vital government employees of subject agencies and all other government employees may be negated under approved alternate work arrangements, subject to applicable law, rules and regulations,” ayon sa MC No.90.

Sa kabilang dako, ang localized cancellation o suspensyon ng klase at/o trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa ibang rehiyon ay maaaring ipatupad ng kani-kanilang local chief executives, alinsunod sa kaugnay na batas at rules and regulations.

Samantala, ipinauubaya naman na ng Malakanyang ang suspensyon ng trabaho sa pribadong kompanya at tanggapan sa diskresyon ng kani-kanilang pinuno.

Isang buwan na lang ay papasok na ang Disyembre at magsisimula na ang mga paghahanda, ang tanong: May pagsasaluhan pa kaya ang mga Pilipino sa Pasko?

Sa ating pagkakaalam sa loob ng isang taon ay 20 bagyo ang maaaring pumasok sa bansa na kadalasan ay nagsisimula sa mga buwan ng Mayo, Hunyo, Hulyo hanggang Disyembre.

Sabihin nating dalawa hanggang apat na malalakas na bagyo lang ang pumasok sa bansa ay malaking problema na ng mga Pilipino dahil perwisyo ang dala nito.

Nawawalan ng kabuhayan ang mga tao, nagmamahal ang mga bilihin, at nasisiraan pa ng tirahan. Ganyan ang nararanasan ng bawat Pilipino pagdating ng ber months. Ganoon pa man tuloy lang ang buhay, ang pinakamahalaga ay samahan natin ito ng panalangin.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

28

Related posts

Leave a Comment