NAGSIMULA nang umikot sina Senador Panfilo Lacson at Senate President Vicente Sotto III upang malaman kung mayroong mga opisyal sa mga pamahalaang lokal, politiko at mga pinuno ng mga organisasyong masa na susuportahan ang kanilang kandidatura sa dalawang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan sa halalang isasagawa sa Mayo 2022.
Inuna ng dalawa ang Luzon sa kanilang konsultasyon.
Isusunod daw nila ang Visayas at Mindanao.
Pagkatapos niyan, iaanunsiyo ng dalawa sa Agosto ang “pinal” at “opisyal” nilang desisyon hinggil sa halalang 2022.
Kung matutuloy si Lacson para sa pagkapresidente at si Sotto sa pagkabise presidente, Nationalist People’s Coalition (NPC) ang gamit nilang partido.
Si Sotto ang tumatayong tagapangulo ng NPC mula nang pumanaw si Eduardo “Danding” Cojuangco Jr.
Walang partido si Lacson, kaya asahang aampunin ito ng NPC.
Kung lalahok si Lacson sa pampanguluhang halalan, ikalawa na niya ito.
Natalo siya noong 2004 kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Ang totoo, nilampaso ni Arroyo si Lacson.
Ang mahigpit na katunggali ni Arroyo ay si Fernando Poe Jr. (FPJ) na namatay sa kalunan dahil hindi nito matanggap ang pandarayang ginawa ng kampo ni Arroyo.
Ang bulto ng boto ni Lacson noon ay galing sa pamunuan at kasapian ng Jesus is Lord (JIL).
Ngayon, malabong suportahan ng JIL si Lacson dahil nakipag-ugnayan na si Rep. Eduardo “Eddie” Villanueva sa 1Sambayan.
Pokaragat na ‘yan!
Nagbalak na rin noon si Sotto na tumakbo sa pagkapangalawang pangulo, ngunit hindi natuloy nang maging mainit na balita ang pagkakaugnay niya sa isang drug lord na nakatira sa Quezon City.
Sabi ni Sotto sa mga mamamahayag sa Senado, mayroong mga taong nag-uudyok sa kanila ni Lacson na tumakbo bilang pangulo at pangalawang pangulo.
Pokaragat na ‘yan!
Pero, gusto pang malaman nina Lacson at Sotto nang eksakto kung gaano kalakas at karami ang posibleng tataya sa tambalang “Lacson-Sotto”.
Sa pagkakaalam ko, lumalabas ang pangalan ni Lacson sa sarbey ng mga posibleng tatakbo sa pagkapangulo.
Kaso, masyadong mababa ang iskor nito.
Hindi nalalayo ang iskor ni Lacson sa napakababang iskor nina Bise – Presidente Maria Leonor Robredo at Senador Christopher Lawrence “Bong” Go.
Pokaragat na ‘yan!
Hindi rin ‘mainit’ ang pangalan ni Lacson sa pampublikong opinyon.
Kahit sa Cavite kung saan siya nakatira ay hindi matunog ang kanyang pangalan.
Kaya, malabong manalo si Lacson.
Wala ring laban si Sotto dahil napakahina ng dating niya sa publiko.
Kapag nagpumilit si Sotto, bubuhayin ng kanyang mga makakalaban ang pagkakaugnay niya sa dating Quezon City drug lord.
Tapos, kasapi na ng NPC si Narvacan Ilocos Sur Mayor Luis Chavit Singson.
Bukod sa pagiging alkalde, pangulo rin si Singson ng League of Municipalities of the Philippines (LMP).
Kaya, ang nakikita ko ay malalaglag ang tambalang Lacson-Sotto.
Hindi panahon nina Lacson at Sotto ngayon.
Ngunit, kung hindi paaawat si Lacson, makakalaban niya sina Senador Emmanuel Pacquiao, Manila Mayor Isko Moreno, Davao City Mayor
Sara Duterte – Carpio, dating Senador Antonio Trillanes IV (kung pagiging gobernador ng Camarines Sur ang tatakbuhan ni Robredo) at si dating Senador Ferdinand “Bongbong Marcos Jr.
Ang problema lang kay Marcos, hindi pa ito ’maingay’ sa media.
Ngunit, maraming nag-aabang ng desisyon ni Marcos para sa pampanguluhang eleksyon dahil pihadong magkakagalawan ang iba’t ibang partido at alyansa.
‘Yan ang inaabangan.
Hindi si Lacson.
Walang pakialam ang iba’t ibang partido, politiko, mga opisyal sa mga pamahalaang lokal mulang tuktok ng Luzon hanggang talampakan ng Mindanao sa plano ni Lacson.
Hindi sila nanabik.
Pokaragat na ‘yan!
Kaya, laglag si Lacson.
Laglag ang tambalang Lacson-Sotto.
138
