IPINANAWAGAN ni Senador Richard Gordon sa pamahalaan na magsagawa ng malawakang desilting o paghuhukay at pagbabaklas ng palaisdaan sa lawa upang lumalim ito at maiwasan ang pagbaha tulad ng nangyari sa pagdaan ng bagyong Ulysses.
Sa pahayag, naniniwala si Gordon na kapag nahukay at nalinis ang Laguna De Bay, maiiwasan na ang pagbaha sa Metro Manila at kalapit na Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).
Aniya, tataas ang holding capacity ng lawa para sa tubig-ulan at tubig-baha, maiiwasang lumubog ang nakapaligid na komunidad dito sa panahon ng bagyo o tag-ulan.
“It’s about time that we desilt Laguna De Bay. Kung ide-desilt, lalalim ‘yan. Noong nananalanta ang bagyong Ulysses, umabot ito ng 13.6 above sea level na lagpas na sa maximum critical level nitong 12.50 meters kaya nakadagdag pa ito sa pagbaha,” aniya.
Sinabi pa ni Gordon na dapat magkaroon ng rehabilitasyon sa lawa at baklasin ang lahat ng palaisdaan upang mapaunlad ito bilang tourist attraction at alternatibong sistema ng transportasyon.
“Kasi unang-una, napaka-polluted n’yan. Madumi d’yan so dapat ayusin na ang Laguna De Bay. Ang narinig ko mayroong $30-Million assistance na ino-offer ang Hungary para sa rehabilitation ng Laguna Lake. Napakaganda ng offer na ‘yan. I suppose na kay (Foreign Affairs) Sec. (Teodoro) Locsin na ‘yan at sa kinauukulan kung tatanggapin nila,” aniya.
Nauna nang sinabi ni Hungarian Foreign Minister Peter Szijjarto na nag-alok ang kanilang pamahalaan ng $30 milyong assistance sa gobyerno ng Pilipinas para sa rehabilitasyon at water
treatment ng Laguna Lake. Aniya, isinagawa ang formal offer sa kanilang bilateral meeting kay Locsin.
Pinakamalaking lawa ang Laguna De Bay na may kabuuang surface area na 900 square kilometer, at isa ring pinakamahalagang inland body of water sa bansa. Pangalawa ito sa pinakamalaking inland freshwater lake sa Southeast Asia. (ESTONG REYES)
415
