KASAMA na ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) Station Sorsogon sa mga nagsasagawa ng road clearing operations sa Brgy. Puting Sapa, Juban, Sorsogon dulot ng patuloy na pag-aalburoto ng Mt. Bulusan.
Sa pinakahuling ulat mula sa PCG, umabot na sa 58 pamilya o 216 residente ang nananatili sa Juban Evacuation Center.
Bunsod ng makapal na ashfall na ibinuga ng Bulusan, napilitang suspendihin ang klase sa tatlong paaralan sa Juban.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mula kahapon ay wala nang klase sa Puting Sapa Elementary School, Sangkayon Elementary School at AΓ±og Elementary School.
Bukod sa Juban, apektado rin ng ashfall ang mga bayan ng Casiguran, at Irosin.
Matatandaang mula sa Alert Level 0 ay itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Alert Level 1 ang Mt. Bulusan matapos makapagtala ng phreatic eruption na tumagal ng 17 minuto.
Ibinabala naman ni PHIVOLCS Director Renato Solidum ang posibleng pagkakaroon ng lahar flow kung makararanas ng malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan, partikular sa Northwest side ng bulkan.
Patuloy naman ang paalala sa mga residenteng malapit sa bulkan na magsuot ng N95 face masks para maiwasan ang mga sakit na maidudulot ng ashfall.
Sa kabilang dako, kinumpirma ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na walang airport sa Bicol Region ang napinsala sa pagsabog ng Mt. Bulusan.
Ayon kay CAAP Area 5 Manager Cynthia Tumanut, normal ang operasyon ng Bulan Airport, Daet Airport, Masbate Airport, Naga Airport, Virac Airport, at Bicol International Airport.
Sa kabila nito, nakaalerto ang CAAP sa mga susunod pang aktibidad ng bulkan.
Naglabas din ng Notice to Airmen (NOTAM) ang CAAP sa mga piloto upang iwasang lumapit sa bulkan at dumistansya ng 10,000 feet sa himpapawid dahil mapanganib sa eroplano ang ibinubugang abo ng bulkan. (JESSE KABEL)
296 