LAHAT NG AHENSYA PINAGHANDA SA PAGTAMA NG BAGYONG OPONG

INIUTOS ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa lahat ng ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang kahandaan laban sa nagbabantang pananalasa ng Severe Tropical Storm Opong (Bualoi).

Sa kautusan ng Pangulo, itinaas ng DILG ang heightened alert sa lahat ng LGUs, lalo na sa mga lugar na direktang tatamaan ng bagyo.

Nasa Alert Level Charlie (Red) ang 16 na lalawigan na posibleng hagupitin ng matinding ulan at hangin: Albay, Bataan, Batangas, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Cavite, Laguna, Marinduque, Masbate, Metro Manila, Northern Samar, Occidental Mindoro, Quezon, Rizal, at Sorsogon.

Nakataas naman ang Alert Level Bravo (Orange) sa 10 lalawigan kabilang ang Aurora, Bulacan, Eastern Samar, Nueva Ecija, Oriental Mindoro, Pampanga, Romblon, Samar, Tarlac, at Zambales. Inaasahan dito ang malalakas na hangin na aabot sa 85 km/h at malalakas na ulan.

Samantala, nasa Alert Level Alpha (Yellow) ang 27 lalawigan gaya ng Abra, Aklan, Antique, Cebu, Ilocos Sur, Leyte, Negros, Palawan, Pangasinan at iba pa. Posibleng makaranas ng moderate to heavy rains at hangin hanggang 45 km/h.

Ayon kay Civil Defense Administrator Usec. Harold Cabreros, seryoso ang banta ni Opong lalo’t apektado pa ang ilang lugar ng pinsala mula sa bagyong Mirasol at Nando.

“Huwag balewalain ang babala. Maging alerto, sumunod sa payo ng otoridad, at tiyakin ang kaligtasan ng pamilya,” panawagan ni Cabreros.

(JESSE KABEL)

22

Related posts

Leave a Comment