QUEZON – Natagpuang patay ang isang mangangakyat ng niyog makaraang mahulog sa Barangay Malabanban Sur, sa bayan ng Candelaria sa lalawigan.
Kinilala ang biktimang si alyas “Leobin”, 46-anyos, residente ng Brgy. Malabanban Norte.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nahulog umano ang biktima mula sa niyog na kanyang inaakyat.
Huling nakita ang biktima dakong alas-2:00 ng hapon habang nagtatrabaho bilang mangangakyat ng niyog.
Natagpuan ng kanyang kapatid ang walang-buhay na biktima sa ilalim ng puno ng niyog bandang alas-7:00 ng umaga noong Martes.
Base sa paunang ulat, maaaring aksidente ang sanhi ng pagkamatay, ngunit isinailalim ang insidente sa masusing imbestigasyon.
Isinailalim sa post-mortem examination ang bangkay ng biktima at hinihintay ang autopsy report upang makumpirma ang sanhi ng pagkamatay nito.
Patuloy namang nagsasagawa ng follow-up investigation ang mga awtoridad upang matiyak na walang foul play sa nangyari. (NILOU DEL CARMEN)
8