LALAKI PATAY SA KOTSE

CAVITE – Patay ang isang 48-anyos na lalaki nang makaladkad ng umatras na sasakyan sa pababang kalsada sa bayan ng Gen. Mariano Alvarez (GMA), Cavite.

Isinugod sa CARSIGMA Hospital ang biktimang si Arnold Mayoni ng Block 10-B, Lot 5, Brgy. Gregoria de Jesus, GMA, Cavite ngunit hindi umabot nang buhay.

Kinilala naman ang driver ng sasakyan na si Ricardo Adarayan, 47, ng Block 1, Lot 8, Brgy. Gregoria De Jesus, GMA, Cavite.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Bobbie Balazo ng GMA Police, dakong alas-9:47 noong Huwebes ng umaga nang mangyari ang insidente.

Napag-alaman, itinigil ni Adarayan ang minamanehong sasakyan sa harap ng bahay ng biktima at bumaba ito.

Sa puntong iyon, lumabas naman ang biktima ngunit biglang umandar nang paatras ang nasabing sasakyan sa pababang kalsada.

Nabundol nito ang biktima at nakaladkad hanggang sa tumama ang katawan sa kongkretong poste. (SIGFRED ADSUARA)

107

Related posts

Leave a Comment