NAGSAMPA ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa dalawang kilalang kaalyado ng mga Duterte.
Nahaharap sa reklamong paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code o Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances sina Ronald Cardema at Atty. Raul Lambino.
Nag-ugat ang reklamo sa naging pahayag ni Lambino noong araw na inaresto si dating pangulong Rodrigo Duterte kung saan sinabi niya sa Facebook Live na naglabas ng Temporary Restraining Order ang Korte Suprema laban sa naging pag-aresto.
Sa ambush interview nitong Martes ng hapon, sinabi ni Agent Allen Ray Delfin ng NBI Technical Intelligence Service na ang maling impormasyon na ito ay mabigat ang naging epekto lalo na sa kalagitnaan ng pagpapatupad ng batas.
Ang dating chairman ng National Youth Commission naman na si Cardema, nahaharap din sa ganitong reklamo dahil sa pagpapakalat ng kaparehong pahayag sa isang panayam sa kanya.
Nito lamang April 2, naglabas ang Korte Suprema ng show cause order laban kay Lambino para pagpaliwanagin kung bakit hindi siya dapat maparusahan sa pagpapakalat ng maling impormasyon.
Sinabi ng SC na nagdulot ito ng kalituhan sa publiko at nakapanlinlang sa taumbayan hinggil sa aksyon ng hukuman.
(JULIET PACOT)
