NAGPAHAYAG ng pagdududa ang grupong Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa ipinatutupad na pagbabawal ng Land Transportation Office (LTO) sa pagdaan ng mga e-trike at e-bike sa ilang lansangan, at kinuwestiyon kung ang hakbang ay para nga ba sa kaligtasan o may kaakibat na interes pang-ekonomiya.
Ayon sa LTO, ang mahigpit na panghuhuli at pag-impound ng mga e-trike at e-bike sa mga piling kalsada ay para sa road safety considerations at hindi para sa business o revenue purposes.
Ipinaliwanag ng ahensya na may malaking diperensiya sa bilis ng e-trike kumpara sa mga four-wheel vehicle, kaya mas mataas ang posibilidad ng aksidente at pagsikip ng trapiko sa mga pangunahing lansangan.
Dagdag pa ng LTO, marami umanong operator at driver ng mga naturang sasakyan ang walang kaukulang lisensya at rehistro.
Sa panig naman ng LCSP at iba pang sektor, iginiit na may economic at legal issues na dapat isaalang-alang sa pagpapatupad ng pagbabawal. Anila, maraming Pilipino ang umaasa sa e-trike at e-bike bilang mas murang alternatibo sa pamasahe at mas praktikal na transportasyon, lalo na sa gitna ng kakulangan sa maayos na public transport.
Binanggit din ng grupo na maaaring hindi umano naaayon sa Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA Law) ang hakbang ng LTO, dahil ayon sa batas ay regulation at hindi outright prohibition ang itinatakdang solusyon upang mabalanse ang safety concerns at ang epekto nito sa kabuhayan at legal na aspeto.
Samantala, ayon sa Make It Safer Movement, hindi nila nakikita na ang pagbabawal ay magreresulta sa pagbawas ng road crashes at pagsisikip ng trapiko.
Ipinunto ng LCSP na mahalagang magkaroon ng balanseng polisiya sa paggamit ng e-trike at e-bike, at hindi umano sapat ang puro pagbabawal, multa at panghuhuli lamang.
Inihalintulad din ng grupo ang sitwasyon sa mga naunang isyu sa transportasyon gaya ng motorcycle taxi at ride-hailing services na dati ring ipinagbawal ngunit kalauna’y na-regulate at naging bahagi ng public transport system.
Ayon sa LCSP, hindi lamang usapin ng kaligtasan ang isyu kundi pati ang kabuhayan ng maraming Pilipino na umaasa sa mga alternatibong sasakyan.
(PAOLO SANTOS)
68
