NASA larawan sina (L-R) Atty. Ariel Inton, Atty. Tyronne Alvarez , Chairman Vigor Mendoza, Atty. Noel Valerio at Atty. Albert Sadili.
KUMPYANSA ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) na nasa mabuting kamay ang kapakanan ng mga commuter sa bansa sa ilalim ng pamumuno ng bagong talagang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Vigor Mendoza II.
Ayon kay Atty. Ariel Inton, presidente ng LCSP, ito ang malinaw na mensaheng nakuha niya sa pakikipagpulong kay Mendoza kamakailan. Aniya, tiniyak mismo ng bagong chairman na ipagpapatuloy at higit pang paiigtingin ang mga repormang makatutulong sa publiko, lalo na sa sektor ng transportasyon.
“Sinabi ni Chairman Mendoza na commuter-first ang magiging direksyon ng kanyang liderato. Sisikapin niyang maibalik ang tiwala ng publiko sa LTFRB sa pamamagitan ng mabilis, maayos, at patas na serbisyo,” pahayag ni Inton.
Dagdag pa ni Inton, tugma ito sa matagal nang adbokasiya ng LCSP na protektahan ang karapatan ng mga commuter at itaguyod ang ligtas, abot-kaya, at episyenteng transport system.
Kabilang sa mga plano ni Mendoza ang pagpapahusay ng internal procedures ng ahensya, partikular na sa pagproseso ng Certificates of Public Convenience (CPC) para sa mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) operators at iba pang public utility vehicles.
Bukod dito, nakatakda ring paigtingin ang digitalization efforts ng LTFRB upang mapabilis ang transaksyon, mabawasan ang red tape, at maiwasan ang pang-aabuso sa mga aplikante.
Pinuri rin ng LCSP ang paninindigan ni Mendoza na ayusin ang sistema ng fare adjustments at tiyakin na ang anomang pagtaas ng pasahe ay “makatarungan, makatwiran, at batay sa tunay na kalagayan ng mga driver at commuter.”
“Kung magtutulungan ang LTFRB at mga transport stakeholders, tiyak na mas mapapangalagaan ang kapakanan ng riding public,” ayon pa kay Inton.
Sa ilalim ng bagong liderato, naniniwala ang LCSP na magkakaroon ng “bagong mukha at direksyon” ang LTFRB — isang ahensyang tunay na nakikinig, kumikilos, at kumakampi sa mga commuter.
