TARGET ni KA REX CAYANONG
SA panahong maraming kabataan ang naliligaw ng direksyon dahil sa kahirapan at kakulangan ng suporta, ang LDB Foundation COPE Scholars Kamustahan, ay nagsilbing paalala na may mga institusyong patuloy na tumatayong ilaw sa madilim na landas ng edukasyon.
Hindi lamang ito simpleng pagtitipon. Isa itong buhay na patunay na kapag pinagsama ang malasakit, pananampalataya, at sama-samang pagkilos, may kakayahan tayong baguhin ang kinabukasan ng kabataan.
Ang kamustahang ginanap sa Aquawood Garden Resort sa Candelaria, Quezon ay hindi lamang puno ng tawanan at salu-salo, kundi hitik sa kahulugan. Ang presensya ng mga scholar kasama ang kanilang mga magulang at guardians ay nagbigay-diin sa isang mahalagang katotohanan na ang edukasyon ay hindi responsibilidad ng bata lamang, kundi ng buong komunidad.
Sabi nga, sa ganitong mga sandali, nabubuo ang tiwala sa sarili, sa pamilya, at sa mga taong handang umalalay.
Kapuri-puri ang malinaw na direksyon at dedikasyon ng pamunuan ng LDB Foundation.
Sa pamumuno nina Kuya Froilan Remo, Kuya Jaymark Velasco, at Kuya Joshua Marquez, ramdam ang organisadong layunin at taos-pusong paglilingkod.
Ngunit higit sa lahat, tumatatak ang mensahe ng kanilang founder at pilantropo ng bayan ng Candelaria, Tatay Luding Boongaling—isang pangakong hindi napuputol sa Grade 12, kundi umaabot hanggang kolehiyo.
Kaya sa panahong marami ang hanggang pangako lamang, ang tuloy-tuloy na suporta ay isang bihirang biyaya.
Ang pamamahagi ng allowance, Paskong Handog, at ang simpleng mga palaro ay maaaring tingnan ng iba bilang karaniwang aktibidad.
Para sa mga scholar, ito ay simbolo ng pagkilala—na sila ay nakikita, pinahahalagahan, at pinaniniwalaan. Ang pagbabahagi ng kanilang mga karanasan at tagumpay ay nagpapatunay na ang bawat tulong, gaano man kaliit, ay may kakayahang magbunga ng malalaking pangarap.
Higit sa lahat, ang COPE Scholars Kamustahan ay nagsilbing panibagong simula. Isang panata na ipagpapatuloy ang laban para sa edukasyon, kahit mahirap, kahit puno ng hamon.
At sa panahong ang pag-asa ay madalas nauubos, ang LDB Foundation ay patuloy na nagbibigay-diin na may mga taong hindi sumusuko—lalo na pagdating sa kinabukasan ng kabataan.
Mabuhay ang LDB Foundation, ang COPE Scholars, at ang Pilantropo ng Bayan ng Candelaria, Tatay Luding Boongaling—mga huwarang patunay na ang edukasyong may puso ay laging may kaakibat na pag-asang may tiwala!
68
