LEADER NG DRUG GROUP SWAK SA SELDA

CAVITE – Swak sa kulungan ang lider ng Cavanan drug group at nasa listahan ng high value individuals (HVIs), matapos mahulihan ng tinatayang P75,208 halaga ng umano’y shabu at baril sa buy-bust operation sa Imus City noong Huwebes ng gabi.

Kasong paglabag sa Sec. 5 at 11 ng Art. II ng RA 9165 at RA 10591 ang kinahaharap ng suspek na si George Cayanan Jr. y Pagcibigan @ Badong, 46, tricycle driver, at residente ng Imus City, Cavite.

Ayon sa ulat ni Police Staff Sergeant Joseph G. Jader ng Imus City Police, dakong alas-10:05 ng gabi, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Anti-Illegal Drug Group ng Imus City Police sa Brgy. Medicion 2-B, Imus City na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Bukod sa 11.06 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P75,208 at buy-bust money, nakumpiskahan din ang suspek ng isang .38 kalibreng baril na walang serial number at apat na bala.

(SIGFRED ADSUARA)

213

Related posts

Leave a Comment