LENI ROBREDO AT KAPANGYARIHAN

SUMULPOT na naman ang pangalan ni Bise Presidente Ma. Leonor “Leni” Rodredo kamakailan kung saan ang isyu ay tungkol sa kanyang dapat na maging papel sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF).

Ang isyu ay kung magiging pinuno ba si Leni sa IATF o hindi – habang ang bansa ay kasalukuyang sinasalanta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Walang problema kung maging laman ng balita si Robredo, sapagkat siya ay Pangalawang Pangulo ng bansa at dahil kabilang siya sa oposisyon, siya ang lider ng dilawang grupo o Liberal Party (LP).

Iyon ngang punong barangay o tanod ay nababasa sa mga dyaryo, napapanood sa telebisyon at napakikinggan sa radyo, si Robredo pa kaya na ikalawang pinakamakapangyarihang opisyal ng pamahalaan?

Nakakabanas lang sapagkat naging ‘mainit’ na laman na naman ng balita si Robredo dahil sa isyu ng kapangyarihan.

Ang huling alam kong putok na putok si Robredo sa mga pahayagan, telebisyon, radyo at online news platform ay noong italaga siya ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang “co-chair” ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Naging napakainit na ‘materyal’ sa balita ni Robredo dahil lider siya ng dilawang grupo na nangunguna sa pagpuna sa mga kapalpakan ng kampanya ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga, partikular ang pagpatay sa mga tulak at adik sa shabu na pawang kabilang sa mga mahihirap na pamilya, pero itinalaga pa rin siya ni Duterte bilang co-chair ng ICAD.

Kamakailan, nabalita na naman si Leni Robredo kung saan ang angggulo ng balita ay posisyon niya sa IATF.

Pansinin at isiping Mabuti, nakadikit uli sa posisyon o kapangyarihan ang ibinalita tungkol kay Robredo.

Ito ang nakapagtataka kay Rodredo – nagiging mainit na balita sa media kung kapangyarihan o puwesto sa pamahalaan ang pinag-uusapan.

Matanong ko lang: Hilig ba o gusto talaga ni Robredo na palaging may puwesto o kapangyarihan sa pamahalaan upang umaksiyon at maglingkod sa 110 milyong Filipino?

Labis akong naniniwala na bilang pangalawang pangulo ng bansa ay napakalaki ng magagawa niya upang sumulong ang bansa, umunlad at umangat ang buhay ng mamamayang Filipino at ma ging makabuluhan ang pamahalaan – upang maging makabuluhan din ang Office of the Vice President (OVP) kahit hindi siya kasapi ng Gabinete ni Duterte.

Bilang pangalawang pangulo, napakalaki ng pondo ni Robredo, supisiyente ang perang ito kung gugustuhin niyang kumilos laban sa COVID-19.

Nasimulan na niya ito noong Abril.

Nangangahulugang hindi niya kailangang maging pinuno ng IATF, hindi niya kailangang magkaroon ng posisyon sa administrasyong Duterte.

Kung mayroong magandang suhestyon si Robredo tungkol sa sitwasyong mayroong COVID-19 sa bansa, iparating na lang niya ito sa IATF at media.

Iyon ngang mga bilyonaryong negosyante ay nagbibigay ng mga ideya na ang iba rito ay tinanggap at ipinatupad na rin ng pamahalaan tulad ng ‘limitadong’ pagbubukas ng ekonomiya, kabilang na ang pagbubukas ng shopping malls, si Robredo pa kaya na pangalawang pangulo ng bansa.

Ngunit, kung ang layunin naman ni Robredo ay isiwalat sa publiko ang totoong nagaganap sa IATF tulad ng ginawa niya noong naging hepe siya ng ICAD, sigurado akong hindi siya papayagan ni Duterte kahit ng mga kasapi ng IATF dahil malalagay na naman sa kontrobersiya ang administrasyon ng pangulo.

Subalit, kung ganyan nga ang pakay ni Robredo, hindi niya kailangang maging pinuno o parte ng IATF.

Subaybayan lamang niya ang mga pahayag ng tagapagsalita ng IATF at tagapagsalita ni Duterte na si Atty. Harry Roque Jr. ay napakalakas nang batayan upang matukoy ang mga pagkakamali ng mga desisyon, patakaran at aksyon ng nasabing task force.

Mabuti na lang agad nilinaw ni Robredo na hindi siya interesado na maging bahagi ng IATF, lalo na ang maging pinuno nito.

Ang pinakamahusay na dapat gawin ni Robredo ay gampanan niya nang tapat at buong sipag ang mga gawain, tungkulin at obligasyon ng pagiging pangalawang pangulo ng bansa na itinakda at ipinag-utos ng Saligang-Batas.

Sa ganyan, tiyak marami ang magpapalakpakan para sa kanya.

253

Related posts

Leave a Comment