INATASAN ni Manila Mayor Isko Moreno ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na samahan ang mga tsuper na lalahok sa libreng sakay program ng lungsod.
Isasagawa ang programa sa Marso 30–31 at Abril 6–8, 2026.
Layunin ng deployment ng MTPB personnel na mapanatili ang kaayusan at matiyak ang maayos na daloy ng biyahe sa mga rutang may mataas na bilang ng pasahero.
Sa ilalim ng programa, makatatanggap ng P3,000 kada araw ang bawat jeep—P1,000 para sa tsuper, P1,000 para sa operator, at P1,000 para sa krudo.
Ayon sa pamahalaang lungsod, layunin nitong makatulong sa mga tsuper at operator na apektado ng pagtaas ng presyo ng petrolyo, gayundin ang mabawasan ang gastusin ng mga commuter.
Pinuri naman ng Malakanyang ang inisyatibo ng lungsod ng Maynila.
Sinabi ni Executive Secretary Recto na ang programa ay halimbawa ng “damayan” sa gitna ng krisis sa langis at economic disruptions.
Inilunsad ang libreng sakay sa ilalim ng Executive Order No. 14, series of 2026, kung saan sasagutin ng lokal na pamahalaan ang kita ng mga driver at operator.
Tinatayang mahigit 1,400 jeepney ang lalahok sa programa, na inaasahang makapaglilingkod sa hanggang 100,000 pasahero kada araw.
Ang implementasyon ay tatakbo ng limang araw sa loob ng dalawang linggo, na maaaring palawigin depende sa pondo.
(JOCELYN DOMENDEN)
57 