LIBU-LIBONG PERANG PUMAPASOK SA USC BRANCH KWESTIYUNABLE

MARAMI ang nagtataka sa libu-libong perang pumapasok sa USC branch sa Zabarte Mall, North Caloocan na nagmumula sa ibang bansa gamit ang account ng ilang personalidad sa nasabing money transfer.

Ayon sa ating source na itinago natin sa pangalang Aling Maring, ni-recruit daw siya ng isang nagngangalang alias Carmela na magbukas siya ng account sa USC branch sa Zabarte Mall para pasukan ng pera mula sa ibang bansa na may komisyon siya.

Pangako sa kanya ni Carmela ay bibigyan siya ng komisyon na 2% sa bawat halagang pera na papasok sa kanyang account sa nabanggit na USC branch.

Naengganyo si Aling Maring na magbukas ng account sa USC branch Zabarte sa halagang P250.

Makalipas ng ilang araw ay may dumating na ngang P97,000 sa kanyang USC account.

Na agad naman nalaman ni alias Carmela ang nabanggit na pera, kung kayat agad siyang (Maring) tinawagan nito na magtungo na sa USC branch para i-claim ang P97,000.

Hindi sumama si alias Carmela sa loob ng USC branch sa halip ay umalis ito at sinabing tawagan na lamang siya kapag nakuha na ang padala.

Habang hinihintay ni Aling Maring na mailabas ang pera ay hindi siya mapalagay dahil sa laki ng halaga na kanyang kukunin na wala naman siyang ginawang trabaho para padalhan siya ng ganung kalaking pera.

Nang makuha na ni Aling Maring ang pera ay tinawagan niya si Carmela at pinasundo pa siya nito ng tricycle at nagkita sila. Binigyan siya nito ng P2,500 bilang komisyon.

Bukod kay Aling Maring may kasabay rin siyang kumuha ng halagang P77,000 na ni-recruit din ni alias Carmela.

Nabatid din ng PUNA na maingat at namimili raw sa pagre-recruit si Carmela na kadalasan ay babae at kakilala lamang niya na pwedeng pagkatiwalaan na padadalhan nila ng pera.

Dahil sa takot ni Aling Maring na baka sindikato ang nasa likod ng pinagagawa sa kanya ni Carmela ay umiwas na siya sa naturang transaksyon.

Nagtaka naman si alias Carmela kung bakit hindi na ­nakipagtulungan sa kanya si Aling Maring na dapat may kasunod pang mas malaking halaga na ipapasok sa kanyang USC account.

“Natakot na po ako dahil wala namang po akong ginawa tapos may papasok na pera sa account ko, nagtataka din po ako na pagpasok ng pera sa USC account ko ay nalaman agad ni Carmela na dumating na ito”, paliwanag pa ni Aling Maring.

“May kutob po ako na may mali sa transaksyon kaya ako na po ang kusang umiwas sa kanya, dahil nung una pa lang ay takot na takot na po ako baka pagkakuha ko ng pera sa USC branch ay bigla na lamang po akong hulihin ng mga pulis,” dagdag pa ni Aling Maring.

Ibinulgar pa niya na madalas daw kumukuha ng pera ang mga na-recruit ni alias Carmela sa USC branch Zabarte Mall lamang.

Naniniwala rin siya na posibleng kasabwat ni alias Carmela ang teller ng USC branch Zabarte na naglalabas ng pera dahil wala umano silang kahirap-hirap na nakukuha nila ito kahit na malaking halaga pa.

O, ayan mga kagawad ng pulisya at National Bureau of Investigation (NBI) binigyan ko na kayo ng tips sa nangyayaring kuhaan ng pera riyan sa USC branch sa Zabarte Mall, North Caloocan, bahala na kayong magkalkal kung saang bansa galing at kung saan gagamitin ang mga pera na ‘yan.

Baka mabigla na lang kayo na galing pala sa teroristang grupo sa ibang bansa na ipinadadala sa Pilipinas para gamitin sa kanilang pagpapalakas dito.

Hindi kasi malalaman ‘yan ng Anti-Money Laundering Council kasi mas mababa sa P500K ang kanilang transaksyon, pero ‘pag naipon po ang P97K, P77K sa bawat tao ay aabutin din ng milyun-milyong piso ‘yan.

Ayan mga bossing, binigyan ko na kayo ng idea, ‘wag na kayong magpatumpik-tumpik pa baka mahuli kayo.

Sinubukan po nating makuha ang reaksyon ng USC branch Zabarte Mall subalit wala po tayong nakausap sa kanila.

oOo

Para sa suhestiyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0916-441-7163.

196

Related posts

Leave a Comment