APRUBADO na sa Senado ang lifeline rate subsidy para sa mahihirap na pamilya na gumagamit ng buwanang supply ng kuryente.
Sa third at final reading, ipinasa na sa mataas na kapulungan ng Kongreso ang Senate Bill No. 1877 o ang panukalang nagpapalawig sa tinatawag na Lifeline Rate, isang ayuda para sa mga pamilyang kumukonsumo ng 100 kilowatt hour (kWh) o mas mababa pa.
Sa pamamagitan ng nasabing panukala, maaari pang madugtungan ng sampung taon ang pagtanggap ng mahihirap na pamilya ng subsidiya kaugnay ng buwanang konsumo ng kuryente.
“Malaking kaluwagan ito sa mga kababayan nating patuloy na nagdarahop dala ng kawalan ng pinagkakakitaan na lalo pang pinalala ng nararanasan nating pandemya. Sa pamamagitan ng panukalang ito, makakaasa silang hindi mapuputol ang ayudang tinatamasa ng dalawang dekada na,” ayon kay Senador Win Gatchalian.
Umaasa ang Senate Energy Committee chairman na maisasabatas ito bago mapaso sa darating na Hunyo 26 ang probisyon ng Lifeline Rate na nasa ilalim ng Section 73 ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) of 2001 o Republic Act No. 10150.
Sa ilalim ng panukalang batas, nasa 5.5 milyong pamilya ang makikinabang sa socialized pricing mechanism hanggang Hunyo 2031 at maari silang makatipid ng humigit kumulang Php900 sa kanilang gastusin sa kuryente.
Gayundin, ang mga kwalipikadong marginalized end-users ay kinakailangang kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) o napatunayan ng mga distribution utilities na kwalipikado batay sa pamantayan ng Energy Regulatory Commission (ERC) at poverty threshold ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sakaling maging ganap na batas, ito na ang pangalawang beses na napalawig ng sampung taon ang probisyon sa Lifeline Rate. Una itong pinalawig noong 2011.
Ang mga hindi kwalipikadong konsyumer ng Meralco ang umaako ng subsidiyang Lifeline Rate sa halagang Php 0.0478 kada kWh. (NOEL ABUEL)
172
