LIFETIME MOBILE NUMBER MAISASAKATUPARAN NA

DALAWANG taon matapos maisabatas ang Mobile Number Portability Act (MNPA), maisasakatuparan na ito, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Sa ilalim ng batas, pinapayagan na ang mga mobile phone subscriber na panatilihin ang kasalukuyang gamit na cellphone numbers kahit na magpalit o lumipat sila sa ibang network providers.

Naging hamon kasi sa tatlong malalaking telecommunications companies (telcos) sa bansa ang proseso ng “interoperability” kaya kamakailan lamang nila nakumpleto ang technical initial test.

Sinabi ni Gatchalian na dapat tuparin ng telcos ang pangako nilang implementasyon ng mobile number portability sa Setyembre 30 ng taon.

Bukod sa pagpapanatili ng cellphone numbers kahit na magpalipat-lipat ng network provider, ang nasabing batas ay nagsisiguro rin na wala nang babayarang interconnection fees kung tatawag or magte-text sa ibang service providers.

“Malaking kaginhawaan ito lalo na sa mga gustong magpalit ng service provider para sa mas maayos na serbisyo pero ayaw bitawan ang kanilang mobile subscriber number. Malaking abala para sa iba ang pagpapalit ng kanilang numero lalo na kung matagal na nilang gamit ito,” sabi ni Gatchalian na pangunahing may akda at sponsor ng Republic Act No. 11202. (ESTONG REYES)

126

Related posts

Leave a Comment