BALITANG NBA Ni VT ROMANO
SA pamamagitan ng social media, siniguro ni Damian Lillard ang kanyang pagbabalik sa Portland Trail Blazers para sa 2021-22 season.
Post ni Lillard sa kanyang IG account: “Back for more…” “#RipCity is my city.” May kalakip itong larawan kung saan kumakaway siya sa fans habang pabalik sa arena.
Nagkaroon ng espekulasyon ngayong offseason na ang six-time All-Star player ay naghahanap ng malilipatang koponan, lalo na’t nasibak ang Portland sa opening round ng NBA playoffs sa dalawang season.
Nagkaroon ng espekulasyon na ang 31-year old player ay lilisanin ang koponan bunga nang pagtatalaga kay Chaunsey Billups bilang head coach.
Pero sa kanyang IG post, malinaw na walang interes si Lillard na lisanin ang Portland.
Si Lillard, sixth overall selection sa 2012 NBA Draft mula sa Weber State, ay nag-average ng 28.8 points sa 67 games sa nakaraang season, kasama ang 7.5 assists at 4.2 rebounds.
May average rin siyang 24.7 points, 6.6 assists at 4.2 rebounds sa kanyang siyam na season sa Portland.
Noong 2019, lumagda si Lillard sa four-year supermax contract extension na magsisimula sa darating na season kung saan babayaran siya ng $39.3 million ng Trail Blazers at $48.8 million sa final year ng deal (2024-25 season), ayon sa Spotrac.
PANGOS PASOK
SA CAVS
PINAPIRMA ng Cleveland Cavaliers si EuroLeague veteran point guard Kevin Pangos ng two-year deal nitong Miyerkoles (Huwebes sa Manila), ayon sa agency nito.
Sa nakalipas na anim na taon, ang 28-anyos na Canadian ay lumaro sa Europe leagues.
“Hard work pays off,” tweet ng Priority Sports matapos lumagda ni Pangos, bagama’t wala pang inihahayag ang Cavs tungkol dito.
Sa kanyang huling stint sa Zenit Saint Petersburg, si Pangos ay nag-average ng 13.5 points at 6.6 assists at napabilang din sa All-Euro League.
Prayoridad ng Cleveland ngayong offseason ang magdag-dag ng lalim sa backcourt.
Tiyak na magkakatulungan bilang guard sina Pangos at ang beteranong si Ricky Rubio, na kinuha ng Cavs mula sa Minnesota.
Lumaro din si Pangos sa Gonzaga, kung saan nagtala siya ng school record 322 3-pointers, record na hindi pa nasisira hanggang ngayon.
Hindi siya na-draft matapos niyang iwan ang Zags noong 2015. Naglaro rin siya sa Canada’s national program at tinulungan ang bansa na makakuha ng puwesto sa 2019 Fiba World Cup.
BAGONG RECRUITS
NG BULLS
LUMAGDA nitong Miyerkoles (Huwebes sa Manila) sa Chicago Bulls si former Toronto Raptors forward Stanley Johnson.
Inihayag din ang naging deals kina free agent forwards Tyler Cook at Alize Johnson at guards Matt Thomas at Ethan Thompson.
May average 6.2 points si (Stanley) Johnson sa Detroit, New Orleans at Toronto mula nang ma-draft ng Pistons bilang eighth overall pick noong 2015.
Nag-average siya ng 4.4 sa 61 games sa Toronto noong nakaraang season, na ikalawa niyang season sa team.
Habang si Cook, 4.0 points at 2.4 rebounds sa dalawang season niya sa Cleveland, Denver, Brooklyn at Detroit. May 2.9 points at 3.2 rebounds naman si Alize Johnson sa tatlong seasons sa Indiana at Brooklyn.
Si Thomas naman ay may average 4.0 points sa dalawang season sa Toronto at Utah, habang si Thompson na mula sa Oregon State ay undrafted ngayong taon.
