TATLO sa bawat 10 taong lulong sa droga ang positibo sa wala pang lunas na karamdamang dala ng human immunodeficiency virus (HIV), ayon kay Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor batay sa pinakahuling resulta ng pag-aaral ng United Nations Programme on HIV/AIDS (UNAIDS) sa Pilipinas.
Pangamba pa ni Defensor, posibleng higit pa sa tatlo sa bawat 10 adik ang tinamaan ng nakamamatay na sakit na natuklasan noon pang dekada 80, dahil limitado lamang aniya ang datos ng UNAIDS sa mga boluntaryong sumailalim sa HIV test
“There’s no question that the risk of HIV infection is extremely high if an individual uses a needle or syringe that somebody with HIV has used, because the injection device may have residual blood, which can transfer HIV,” ani Defensor.
Partikular na tinukoy ng kongresista sa nasabing pag-aaral ng UNAIDS yaong mga grupong naghihiraman ng hiringgilya sa pagtuturok ng liquid shabu sa kanilang katawan.
Sa Amerika aniya, pumapangalawa sa mga talaan ng “biggest spreader” ang kostumbreng pagtuturok ng droga at anal sex.
“If we do not counteract the spread of HIV among Filipinos who inject drugs, the problem could be a huge future driver of the ongoing HIV epidemic in the country,” babala paniya.
Panawagan ni Defensor sa gobyerno, mas maigting na kampanya kontra droga at ang paglansag ng mga sindikatong gumagawa, nagpapalaganap at nagbebenta ng nauusong liquid shabu, ayon mismo sa isang ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Umapela rin ang kongresista sa mga lulong sa droga na kusang sumailalim sa HIV test sa hangaring mapigilan ang paglaganap ng nasabing sakit sa bansa.
“This way, if they are diagnosed HIV-positive, they can undergo early treatment, and also help prevent transferring their condition to their loved ones, or to their sexual partners,” ayon pa kay Defensor, kasabay ng pagtitiyak ng seguridad na tutugon sa kanyang suhestyon.
“The confidentiality of the personal details of every Filipino submitting to an HIV test is guaranteed by law, and any disclosure is punishable by law,” pahabol pa niya. (BERNARD TAGUINOD)
