LIVE-IN PARTNER, 1 PA TINARAKAN NG TOMBOY

CAVITE – Pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang 60-anyos na senior citizen na tomboy na itinurong pumatay sa kayang live-in partner at kamag-anak ng huli sa isang condominium sa Imus City noong Huwebes ng gabi.

Hinihinalang may ilang oras nang patay nang madiskubre ang biktimang si alyas “Aldena”, 48, isang negosyante, at kamag-anak nitong si alyas “Jenelyn”, 19, kapwa residente ng Brgy. Bayan Luma 2, Imus City, Cavite.

Kinilala naman ang suspek na si alyas “Mona”, 60, live-in partner ni Aldena, na tumakas matapos ang insidente.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagtungo si alyas “Arleem”, kapatid ng biktima, sa condominium unit ng huli sa Brgy. Bayan Luma 2, Imus City bandang alas-8:00 ng umaga upang alamin kung bakit hindi ito nagbukas ng kanyang tindahan sa Imus City Public Market.

Ngunit pagbukas pa lamang niya sa pintuan ng condominium unit ng kanyang kapatid ay may nakita siyang mga patak ng dugo sa sahig at pagdating sa kuwarto ay bumulaga sa kanya ang bangkay nito sa gilid ng higaan gayundin ang kamag-anak nilang duguan at tadtad ng saksak.

Base sa kuwento ng kanilang mga kapitbahay, bandang alas-10:30 noong Miyerkoles ng gabi ay nakarinig sila ng pagtatalo sa pagitan ng biktima at suspek.

Narekober sa dining table ng condominium unit ang isang ice pick at kitchen knife na pinaniniwalaang ginamit sa pagpatay sa dalawang biktima.

Ayon kay Police Lt. Colonel Louie Dionglay, chief of police ng Imus Component City Police Station, selos ang motibo sa pagpatay.

Napag-alaman, 23 taon na umanong live-in partners ang dalawa.

Dagdag pa ni Dionglay, posibleng dinipensahan ng pamangkin ang biktima kaya pati ito ay idinamay ng suspek.

Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang suspek. (SIGFRED ADSUARA)

137

Related posts

Leave a Comment