LOCAL TERROR GROUP SINISILIP SA MAGUINDANAO AMBUSH

TINITINGNAN ng Philippine National Police (PNP) ang isang local terrorist group bilang posibleng nasa likod ng pananambang sa mga pulis sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.

Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon at hindi pa pinapangalanan ang grupong sangkot sa insidente.

Nangyari ang ambush noong Marso 28 kung saan limang pulis ang nasawi at tatlo ang nasugatan.

Batay sa imbestigasyon, pabalik na sa kanilang detachment ang walong pulis mula sa checkpoint operation nang pagbabarilin ng tinatayang sampung armadong kalalakihan.

Nakaganti pa ng putok ang ilang pulis at nakatawag ng reinforcement.

Isa sa mga tinitingnang motibo ang posibleng retaliatory attack kaugnay ng serye ng operasyon ng pulisya laban sa naturang grupo mula Oktubre 2025 hanggang Pebrero 2026.

Sa ngayon, nasa maayos nang kalagayan ang tatlong sugatang pulis.

Inatasan naman ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region na magbigay ng agarang suporta sa mga pamilya ng mga nasawi at sugatan.

(TOTO NABAJA)

37

Related posts

Leave a Comment