IIMBESTIGAHAN ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police ang idinaos na birthday party ni PNP-National Capital Regional Police Office chief Debold Sinas.
Nabatid na bukod sa utos ni P/Gen Archie Gamboa ay inatasan din ng Justice Department ang NBI para magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa paglabag ng opisyal sa guidelines ng enhanced community quarantine sa buong kalakhang Maynila para maiwasan ang paglaganap ng coronavirus disease.
Una nang ipinagtanggol ni Gamboa si Sinas subalit nitong Miyerkoles ng umaga ay kumambyo ang PNP chief at sinabing iimbestigahan nila ang insidente.
Nabatid na maging si Interior Secretary Eduardo Año, ay hindi sang-ayon sa nasabing party.
“Ang aking sinasabi sa ating mga government official, lalo na sa nasasakupan ng DILG, iyong tinatawag nating delicadeza. May mga pagkakataon na kailangan maging example ka,” anang dating AFP chief.
Hindi nagbigay ng komento si Lt. General Guillermo Eleazar na siyang commander ng Task Force COVID Shield, kung maypaglabag sa protocols na kanilang ipinatutupad ngayong may umiiral na lockdown.
Mga dumalo pinasasama sa kaso Hinamon naman ng isang senador ang mga awtoridad na sampahan ng kaso ang mga pulis at iba pang bisita na ‘naki-party’ sa kaarawan ni Sinas.
Ayon kay Senador Kiko Pangilinan, layon nito na patunayan na seryoso ang pamahalaan sa pagpapatupad ng batas.
“Kung seryoso sila sa pagpapatupad ng batas sa lahat dapat sampahan ng kasong paglabag sa batas ang mga ‘yan at ikulong kasama ang libu-libong kinulong nila dahil sa quarantine violations,” saad ni Pangilinan.
Maging si Senador Bato dela Rosa na dating PNP chief ay dismayado sa pagdiriwang ng NCRPO sa kaarawan ng kanilang hepe.
Ipinagbabawal sa ipinatutupad na ECQ protocols ang anomang mass gathering bilang pag-iingat na mahawa sa COVID-19.
Sa ‘mananita’ party ni Sinas, nasa 50 katao ang nakitang nagsama-sama para ipagdiwang ang kaarawan ng heneral.
PNP double standard Ipinapakita lamang sa birthday party ni Sinas ang pagiging double standard ng PNP sa pagpapatupad ng ECQ.
Ito naman ang pahayag ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite bukod sa nakakahiya umano sa mga nagdurusang mamamayan ang pagdiriwang ni Sinas sa kanyang kaarawan habang marami ang nagututom.
“Aren’t they ashamed of themselves? First, they were insensitive enough to have a huge birthday party amidst the lockdown. Second, they had the audacity to flaunt it in official social media pages of the PNP, putting in full display their apparent exemption from several lockdown measures including social distancing and prohibition of mass gatherings,” ani Gaite.
Mabilis aniyang inaaresto ng PNP ang mga taong gustong tumulong lang sa mamamayan na nagugutom sa ECQ sa pamamagitan ng pagbibigay ng relief goods dahil nilalabag umano ng mga ito ang protocol tulad ng social distancing.
Ngunit kapag isang heneral na nagseselebra ng kaarawan ay agad na ipinagtatanggol aniya ng kanilang hepe na si Gen. Archie Gamboa. VERLIN RUIZ, DANG SAMSON-GARCIA, BERNARD TAGUINOD
